KASALANAN ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang biglang pagdami ng kaso ng Covid-19 sa Puerto Princesa City, Palawan, ayon kay Mayor Lucilo Bayron.
Paliwanag ng mayor, sumipa ang bilang ng mga Covid-positive sa kanyang nasasakupan mula nang ipatupad ang unified travel protocol ng IATF.
“Dati naman walang Covid dito. Makakarating lang ‘yan kung may magdadala dito,” aniya. “Ang policy namin lahat kinu-quarantine namin kaya lang naglabas ang national government ng unified travel protocol na hindi na pwedeng mag-quarantine, ii-screen na lang ang mga dumarating at ‘yung may symptoms na lang ang magku-quarantine,” ani Bayron.
Noong Abril 4 o bago ang implementasyon ng kautusan ng IATF, aabot lamang sa 30 ang kaso ng Covid-19 sa lungsod. Ngayon ay nasa 533 ang aktibong kaso, ayon sa alkalde.
Sinabi ni Bayron na noong Linggo lamang ay 121 indibidwal ang nagpositibo sa sakit.
Kabilang ang Puerto Princesa, Cagayan de Oro, Bacolod City at Zamboanga City sa apat na itinuturing na “areas of concern” dahil sa pagtaas ng mga kaso ng Covid-19.