Hindi bakunado bawal lumabas–Duterte

INATASAN ni Pangulong Duterte ang pulisya at mga opisyal ng barangay na siguruhing hindi makalalabas ng bahay ang mga taong ayaw magpabakuna kontra Covid-19.


Sa kanyang public address, sinabihan ni Duterte ang mga otoridad na ihatid sa kanilang mga tahanan ang mga hindi bakunado at huwag hayaang gumala.


“Itong ayaw magbakuna, sinasabi ko sa inyo, ‘wag kayong lumabas ng bahay kasi ‘pag lumabas kayo, sabihin ko sa mga pulis na ibalik kayo sa bahay n’yo because you are a walking spreader,” ayon sa Pangulo.


“Kaya kung ayaw ninyo makatulong by having the vaccines, ‘wag na lang kayo lumabas ng bahay,” dagdag niya.


Sinabi ni Duterte na “walang laban” ang pamahalaan sa mga tao na ayaw pabakuna.


“Sabihin natin walang batas, e hintay pa ba ako sa batas kung marami nanaman ang mamamatay? Yan ang problema. There is no law, but the law of necessity is there,” paliwanag niya.


Ayon kay Duterte, handa niyang harapin ang mga reklamo dahil sa ginagawa niyang aksyon kontra sa hindi pa nababakunahan.


“Ayaw mong magpabakuna tapos sabihin ko ako na mismo ang sasagot niyan. Kung may idemanda, ako na. ‘Yan ang utos ko, ibalik ka doon sa bahay mo. ‘Yan ang utos ni Mayor. Kung magdemanda ka balang araw, idemanda mo siya. Harapin ko ‘yan. I assume full responsibility for that,” hirit niya.


Sinabi niya na responsibilidad ng mga barangay chairmen na siguruhing mananatili sa bahay ang mga walang bakuna


“Trabaho talaga ng barangay captain to go around and see who are vaccinated and who are not and to give the appropriate warning that they should not be going around because they are throwing viruses left and right,” sabi pa niya. –WC