Gobyerno bigong makabili ng Tocilizumab

INAMIN ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na nabigo ang pamahalaan na makabili ng Tocilizumab na ginagamit sa mga pasyenteng may matinding kaso ng Covid-19.


“Ang kahirapan pala nito..iisa lang ang gumagawa (Roche) pero mayroon na lang silang allocated na mga supply,” ani Galvez.


Idinagdag ng opisyal na tinawagan na niya ang Zuellig pero wala ring nangyari.


“Talagang wala po tayong makukuha kasi it is a global supply,” aniya.


Kamakailan ay umapela si Manila Mayor Isko Moreno sa gobyerno na bumili ng Tocilizumab at Remdesivir imbes na face shields.


“Ako, panawagan ko sana yung isang ahensya ng gobyerno bumili naman kayo ng Remdisivir at Tocilizumab. Huwag lang face shield ang bilhin niyo,” sabi ni Moreno.


Malaki aniya ang maitutulong nito sa mga Pinoy sa panahon ng pandemya.


“Kung bumili ka ng 1,000 na Tocilizumab at P25,000 that is only P25 milllion. Kapag bumili ka ng 10,000 na Tocilizumab at Remdisivir wala ka pang P200 million nayakap mo pa buong Pilipinas. So ako payo ko talaga sa kanila wag face shield ang bilhin ninyo,” dagdag ng alkalde. –WC