NGAYONG hapon ay inaasahang maglalabas ng rekomendasyon ang mga alkalde ng Metro Manila kung palalawigin pa ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa rehiyon.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, hindi nakapagdesisyon ang mga mayors sa ginawang pulong kahapon dahil sa kakulangan ng datos at input ng mga economic managers at private sector.
“Magkakaroon muli ng pulong ang mga Metro Manila mayors mamayang alas-4 ng hapon at maaaring doon magkaroon na ng recommendation,” ani Teodoro sa panayam ng Teleradyo.
Aniya, noong Lunes ay iniulat sa Metro Manila Council ni Health Secretary Francisco Duque III ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng Covid-19 at ang mga hakbang kung paano ito pabababain.
“Bumababa ang kaso pero at critical level pa rin ang dami ng Covid cases,” dagdag ni Teodoro.
Sinabi ng alkalde na may ipinakitang mga scenario ang DOH sakaling ipagpatuloy pa nang ilang linggo ang MECQ o pairalin na ang mas maluwag na general community quarantine (GCQ) sa National Capital Region.