Face shield raket ng ilang opisyal?

TODO-TANGGI ang Palasyo sa akusasyon na kaya ginawang mandatory ang pagsusuot ng face shield dahil ilang opisyal ng pamahalaan ang kumikita rito.


“Wala po akong alam doon sa raket na tinatawag,” ani presidential spokesperson Harry Roque.


Nauna nang isinulong ni Senate President Vicente Sotto III ang imbestigasyon kaugnay sa pagsusuot ng face shield.


“Pero alam ninyo po, talagang naintindihan ko naman po talaga na napakahirap nitong face shield. Ako po nakasalamin, ‘pag ako naka-face shield siguradong nagpa-fog po ‘yan; napakahirap. Mahirap lalo na doon sa mga nagsasalamin, at saka extra cost,” dagdag ni Roque.


Iginiit naman niya na kailangang pa ring ipatupad ang pagsusuot ng face shield.


“Pero kinakailangan po paniwalaan natin ang sinasabi ng siyensya at isa po doon sa study na na-publish po sa Lancet–ito po ang leading medical journal sa buong daigdig at hindi lang sa Pilipinas– talagang sinasabi na ang pagsusuot po ng face shield ay nakakatulong na ibaba ang pagbaba ng Covid infection,” ayon pa sa opisyal. –WC