UMAASA ang Palasyo na hindi maaapektuhan ng nararanasang pandemya ang enrollment sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.
Karamihan sa mga private schools ay nagsimula na nang pasukan ngayong araw.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nananiniwala ang Malakanyang na gugustuhin pa rin ng mga magulang na maienrol ang kani-kanilang mga anak.
“Hindi po (bababa ang enrollment). Inaasahan natin na ang mga magulang ay magnanais na bagama’t may pandemya, tuluy-tuloy po ang edukasyon ng ating mga kabataan. At saka kapag hindi kayo nag-enroll at nagkaroon na tayo ng population protection ay baka hindi rin kayo makasali sa face to face,” sabi ni Roque.
Idinagdag ni Roque na kinakailangang i-enroll ang mga mag-aaral para magtuloy-tuloy ang kanilang pag-aaral kahit pa nasa gitna ng pandemya ang buong mundo.
“Ang gusto lang naman ni Presidente ay magkaroon ng sapat na populasyon na mabakunahan at baka naman po susubukan din natin ang mga face to face. So enroll po tayo, hindi naman po forever itong blended learning; may katapusan din po itong pandemyang ito,” ayon pa kay Roque.