NANAWAGAN si National Police Chief General Guillermo Eleazar sa PUBLIKO na sundin ang utos ng Pangulo na palagiang magsuot ng face shield bilang dagdag na proteksyon laban sa coronavirus disease.
Iniutos ni Pangulong Duterte ang mandatory use ng face shield, indoor man o outdoor, nang humarap ito sa kanyang regular na Talk to the Nation nitong Lunes, matapos sabihin ng Department of Health na mas mabangis ang delta variant ng virus na ngayon ay nasa bansa na.
“We ask the public to respect and follow our President’s directive on wearing face shields. This is for the safety of everyone, especially since the number of Delta variants detected in the country has increased,” pahayag ni Eleazar.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi ikukulong ang mga pasaway na ayaw magsuot ng face shield bagamat may holding center na ilalaan para sa kanila.
Sinabi rin nito na ibabase ang “pag-aresto” o “pag-hold” sa mga pasaway sa Ordinansang pinaiiral sa isang lokalidad.
Ayon sa Department of Health, may 17 kaso na ng delta variant ang naitala at inaasahan na posibleng tumaas pa ang bilang na ito sa mga susunod na araw.