IGINIIT ni Health Secretary Francisco Duque III na walang iregularidad sa pagbili ng kagawaran ng P1 bilyong halaga ng anti-viral drug na remdesivir.
Ginawa ni Duque ang pahayag makaraang magbanta ang dalawang mambabatas na kakasuhan ang mga opisyal ng DOH dahil sa anomalya sa pagbili ng nasabing gamot.
“Sa sinasabi nilang mananagot, okay naman, wala naman problema ‘yun. Wala naman tayong tinatago. If magkaroon ng imbestigasyon, we welcome it and we will cooperate,” ani Duque.
“Wala. Definitely, wala. So kung gusto nila magpaimbestiga, go ahead, we will cooperate,” sagot ng opisyal nang tanungin kung mayroon bang kumita sa transaksyon.
Aniya, 50 ospital sa bansa ang gumagamit ng remdesivir, na binigyan ng compassionate use permit ng Food and Drug Administration (FDA) para gamitin sa mga pasyenteng may Covid-19.
Kapwa sinabi nina Anakalusugan party-list Rep. Michael Defensor at House Deputy Speaker Lito Atienza na sayang lamang ang ipinambili sa remdesivir dahil mayroon namang mas murang gamot kontra-Covid.
Itinutulak nina Defensor at Atienza ang paggamit ng anti-parasitic drug na ivermectin na ayon sa kanila ay mabisang pangontra sa nakahahawang sakit at mabibili lamang sa murang halaga.