SINABI ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi gawa-gawa lamang ng mga eksperto ang babala ng posibleng lockdown pagkatapos ng eleksyon sa harap naman ng patuloy na mass gathering sa bansa.
“Iyan pong ating mga sinasabi ay batay sa mga experts natin. Hindi po ito gawa-gawa ng DOH, hindi po ito iniimbento ng IATF. Ito po ay mula sa ating mga experts, iyong mga data analytics, iyong atin pong faster group of experts na talagang nag-specialize, mga nagpaka-dalubhasa,” sabi ni Duque.
Nauna nang nagbabala ang DOH na posibleng umabot sa 500,000 ang mga aktibong kaso ng coronavirus disease (Covid-19) bago matapos ang buwan ng Mayo.
“Ang sinasabi lang naman nila ay simple, kung babalewalain natin ang pagsuot, pagsunod, pagtalima sa minimum public health standards…Ibig sabihin niyan, posibleng magkaroon tayo ng active cases na aabot ng 500,000 by end of May,” aniya.