MAY P3 milyon naghihintay sa sinumang mapalad na bakunado.
Ito ay matapos ilunsad ng Department of Health ang pa-raffle nito sa mga bakunadong Pilipino kontra sa coronavirus disease.
Ayon sa DOH, inilunsad ang SMS-based raffle na may temang “Bakunado Panalo” para hikayatin pa ang mas maraming mamamayan na magpabakuna kontra COVID-19.
“Through this raffle, we celebrate the contribution that each Filipino makes in choosing to get vaccinated and playing their part to end this pandemic,” ayon kay Health Secretary Francisco Duque III sa isang kalatas.
Inaasahan na 100 winners ang tatanggap ng panalo sa monthly draw na magsisimula ngayong buwan hanggang Disyembre. Ang grand draw prize na P1milyon ay ira-raffle bago matapos ang taon.
Ang nakakaisang bakuna pa lang ay may tig-iisang raffle entry at karagdagang dalawang entries sa sandaling makumpleto ang kanilang bakuna.
Sila namang may single-dose vaccine ay otomatikong may tatlong entries.
Ang mga senior citizens naman ay bibigyan ng dobleng raffle entries.
“This is to ensure that people return for their second dose and that the most vulnerable sector — the senior citizens — are vaccinated and protected,” paliwanag ni Duque.
Kailangan lang magparehistro via SMS ang gustong sumali. Ang mananalo ay makatatanggap ng text habang ang kanilang pangalan ay ipo-post sa DOH website at social media accounts.