KINUMPIRMA nitong Biyernes ng Department of Health (DOH) ang lokal na transmission ng mas nakahahawang Omicron subvariant na XBB at XBC.
Sinabi ni DOH epidemiology bureau
Director Dr. Alethea De Guzman na walang kasaysayan ng biyahe sa ibang bansa ang mga tinamaan ng XBB at XBC.
“There is local transmission dahil lahat ito ay local cases. Ibig sabihin, hindi natin sila nali-link to either may mga travel ito outside the Philippines o may exposure ito from someone who have recently traveled outside the Philippines,” sabi ni De Guzman.
Idinagdag ni De Guzman na nananatiling localized naman ang transmission dahil naitala lamang ito sa ilang rehiyon.
“Hindi pa natin masabi na it’s nationwide o wide-scale community transmission,” aniya.
Nauna nang inihayag ng DOH ma nakapagtala ng halos 300 kaso ng XBB at XBC sa ilang rehiyon sa bansa.