NAPAGKASUNDUAN ng mga alkalde sa Metro Manila na hindi muna tatanggap ng mga walk-in sa mga vaccination sites sa dalawang-linggong enhanced community quarantine upang maiwasan ang pagkalat ng Delta variant ng Covid-19.
“The LGUs (local government units) will strictly enforce the no walk-in policy during the lockdown to prevent people from swarming vaccination sites, which could cause a superspreader event,” ani Interior Undersecretary Jonathan Malaya.
Aniya, tanging may kumpirmadong schedule lamang ang aasikasuhin sa mga bakunahan.
Kaugnay nito, inihayag ni National Task Force Against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon na umabot sa 710,482 ang naiturok na bakuna sa buong bansa noong Miyerkules, ang pinakamataas na bilang ng pagbabakuna sa isang araw.
“Napakalaking bagay po nito, lalong-lalo na ngayon papasok tayo ng ECQ at marami tayong kababayan na kailangan talagang mabigyan natin ng proteksyon laban sa Delta variant,” ani Dizon. –A. Mae Rodriguez