NANINDIGAN si Pangulong Duterte na hindi isasapubliko ang gagamiting bakuna sa mga vaccination sites.
“I cannot administer exclusive Pfizer sa isang lugar to the exclusion of other Filipinos. Kaya hindi puwede. Kailangan talaga i-mix ‘yan at saka ‘yung blind ang tao sa anong binibigay. Basta may bakuna, period,” sabi ni Duterte sa kanyang Talk to the People address Miyerkules.
Aniya, kapag pinayagan na mamili ang ilan ay gagayahin ito ng iba pa at maaapektuhan ang ibang rehiyon sa bansa.
“When you begin to be selective, the others will also begin to be agitated about the potency na pareho naman sana sa iba. They will also demand Pfizer. How about the other Filipinos from the Visayas to Mindanao? Eh hindi natin mabigyan. Hindi puwede ‘yang ganoon,” ayon pa sa Pangulo.
Gayunman, sinabi niya na hindi niya pipilitin ang mga ayaw magpabakuna.
“Kung ayaw ninyo, huwag. Ayaw n’yo ng Sinovac and others, hindi namin problema ‘yan. Kung matamaan ka ng Covid, wala kaming magawa sa inyo. Sabihin namin na, ‘Well, it’s your choice. You wanted something which cannot be given to you’,” aniya. –WC