SINABI ni Trade Secretary Ramon Lopez na inaasahang maglalabas ang Inter-Agency Task Force (IATF) ng desisyon sa darating na linggo kung papayagan o hindi ang mga batang may edad 12 pababa sa mall.
Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Lopez na dapat payagan ang mga bata na makapasok sa loob ng mall dahil bumababa naman na ang kaso ng coronavirus disease.
“Ngayong bumababa na ang mga kaso dapat ang umiral dito ay yung dating normal para yung development ng mga kabataan ay magtuloy-tuloy,” sabi ni Lopez.
Nauna nang ipinasa sa IATF ng mga mayor sa Metro Manila ang desisyon matapos silang maglabas ng resolusyon na nag-eendorso sa Task Force na maglabas ng patakaran hinggil dito.
“Safe na ho ang pagbubukas ng mga establisyemento sa mga kabataan…Ang mga kabataan, kung mahawa man hindi naman sila nagiging kritikal sila,” ayon pa kay Lopez.
Nauna nang inatasan ni Pangulong Duterte ang mga lokal na pamahalaan na maglabas ng kani-kaniyang ordinansa matapos na magpositibo sa Covid-19 ang isang batang nagtungo sa mall.