Delta nangungunang Covid-19 variant sa Metro Manila

PINAKATALAMAK na ang mas nakakahawang Delta variant sa lahat ng mga Covid-19 variants sa bansa, partikular sa Metro Manila, ayon sa Philippine Genome Center.


Ani PGC executive director Cynthia Saloma, umabot na sa 42 porsyento ng mga naisumiteng samples sa kanila ay Delta variant.


Noong Mayo, nasa 3.8 porsyento lang ng genome sequencing samples ay Delta variant at 5.8 porsyento naman noong Hunyo.


“This (increase) is more noticeable in the National Capital Region,” ani Saloma.


Sa kasalukuyan ay 68 porsyento ng nasuring sample mula sa Metro Manila ay Delta variant.


“Nakikita po natin na ang mga Delta po ay nagti-take over na sa ating Alpha and Beta cases,” pahayag ng opisyal.


Sinabi ni Saloma na kasing bilis makahawa ng Delta variant ang bulutong pero mas mabilis kesa sa common cold at ebola.


“That’s why we really need to not only vaccinate, but also to wear the masks even if already vaccinate,” aniya.


“Vaccinated people carry huge amounts of the virus, can just be as contagious as unvaccinated people,” dagdag niya. –WC