Covid cases sisipa 1 linggo matapos ang eleksyon’

SA kalagitnaan ng buwan ay asahan na ang pagsipa ng kaso ng Covid-19 na resulta ng mga super-spreader events gaya ng mga campaign rally at ng halalan.


Ayon kay infectious disease specialist na si Dr. Rontgene Solante, isang linggo makaraan ang eleksyon ay makakita na ng pagtaas ng mga kaso.


“The exposure to the first symptoms, usually an average of five days. So kung halimbawa, mataas ang exposure noong May 9, magbilang tayo ng mga five to seven days. Magre-reflect ‘yan, most likely next week,” ani Solante.


Isiniwalat na nitong mga nakaraang araw ay “mayroon na tayong nakita na may mild symptoms lang naman and they are positive.”


Umaasa naman si Solante na hindi gaanong mataas ang bilang ng tatamaan ng virus dahil karamihan ng mga Pilipino ay bakunado na at mayroon na ring booster.


Sinegundahan naman ito ni Jomar Rabajante ng University of the Philippines Pandemic Response Team.


“Posibleng mga small spike lang. Sort of sign siya ng pagiging endemic in the sense that nandiyan siya, kung magkakaroon ng kaunting spike, hindi naman gano’n kalalaki,” giit ni Rabajante.