SINABI ng OCTA Research Group na 14 sa 17 lugar sa Metro Manila ang nakitaan ng pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (Covid-19).
Sa panayam sa Laging Handa, sinabi ni OCTA Research Group Fellow Dr. Guido David na inaasahan ding aabot hanggang 500 kaso kada araw ang maitatala sa Metro Manila.
“So, in terms of increasing number of cases, actually most of NCR siguro mga 14 LGUs out of 17 ay nakikitaan natin ng pagtaas ng bilang ng kaso,” sabi ni David.
Nauna nang nagbabala si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng umabot sa 4,600 kada araw ang mga kaso ng Covid-19 sa Metro Manila sa kalagitnaan ng Hulyo.
Umakyat na rin ang positivity rate sa NCR mula limang porsiyento hanggang pitong porsiyento.
“Ibig sabihin, medyo mas mataas na rin siya doon sa recommended ng World Health Organization na less than 5%; kabilang dito iyong Batangas, Cavite, Laguna, Rizal; ang Pampanga rin ay nakitaan din natin ng pagtaas ng positivity rate. Sa Western Visayas naman, sa Iloilo and sa Capiz, among other regions doon and then sa South Cotabato ay nakikita rin natin iyong medyo mas mataas nang kaunti na positivity rate,” ayon pa kay David.