Covid-19 cases sumipa sa 8 siyudad sa Metro Manila

INIHAYAG ng Department of Health (DoH) na dumami ang kaso ng Covid-19 sa walong siyudad sa Metro Manila nitong nakaraang dalawang linggo.


Sinabi ni DoH Epidemiology Bureau Director Alethea De Guzman na sumipa ang Covid cases sa Manila, Makati, Las Piñas, Muntinlupa, Mandaluyong, Malabon, Navotas at San Juan.


“Ang mga kaso ng nagkakasakit (sa nasabing mga siyudad) ay lumalagpas na sa daily moving average,” ani de Guzman. “Sila ‘yung naiiwan na mataas pa either the ICU (occupancy) rate or the HCUR (health care utilization rate).”


Sa walong siyudad, itinuturing na high-risk ang Makati at San Juan dahil halos okupado na ang mga kama at ICU na nakalaan sa mga pasyente ng Covid-19.


Sinabi ng DoH official na nasa 22 porsyento ang virus growth rate sa Makati habang nasa 69 porsyento ang ICU utilization rate at nasa 70 porsyento ang HCUR.


Nananatili naman sa 10 porsyento ang virus growth rate sa San Juan, dagdag ng opisyal.


Kaugnay nito, hinikayat ni de Guzman ang mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila na maghanda na ng mas maraming kama para sa mga pasyente ng Covid.


“This is the time to start shoring up their ICU beds, their ward beds. In case na magtuloy-tuloy ito ay hindi tayo aabot sa critical uli,” dagdag niya.