TODO-tanggi ang Department of Health (DoH) na karamihan umano ng bakuna mula sa Pfizer na dumating sa Pilipinas ay dinala sa Davao, ang bayan ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Health Undersecretary Abdullah Dumama Jr., kapwa nakatanggap ang Cebu at Davao ng 210,000 doses ng bakuna mula sa Pfizer.
“Walang ipinagkaiba ‘yung doses na naibigay sa Cebu at sa Davao. Wala hong favoritism dito,” ani Dumana.
“At hindi rin po ito pang-Davao City lang. Sa Davao region po ito at sa mga karatig pook,” paliwanag niya.
Sinabi ng opisyal na malaking bilang ng doses ang ibinigay sa Davao dahil mayroon itong kapasidad na mag-imbak ng bakuna. “They have to be stored at below zero temperatures,” sabi pa niya.