IDEDEKLARA sa Biyernes ang bagong classification sa NCR Plus kung saan umiiral sa kasalukuyan ang modified enhanced community quarantine (MECQ), ayon sa Malacañang.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, magpupulong ang Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa Biyernes para pag-usapan ang kanilang rekomendasyon sa bagong quarantine status.
Ipapasa naman ang rekomendasyon kay Pangulong Duterte.
“Inaasahan natin na itatawag na lang natin kay Presidente ang rekomendasyon at magdedesisyon ang Presidente kung approve siya o hindi,” ani Roque.
“Ang anunsyo sa bagong quarantine classification most likely sa darating na Biyernes,” dagdag niya.
Paiiralin ang MECQ sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite, Bulacan, at Ifugao hanggang Mayo 14.