ASAHAN na umanong matatanggap ng mga residente na pasok sa enhanced community quarantine ang P1,000 ayuda ng gobyerno simula Abril 6 haggang 7, paniniyak ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Malaya na posibleng cash assistance ang maipamahagi dahil sa mas madali itong ibigay kaysa sa naunang plano na gawin itong “in-kind”.
Gayunman, nasa bawat local government unit anya ang desisyon kung ang ipamamahagi ay cash o in-kind.
“Magandang complement ay cash. Kasi kung in kind ulit, ibi-bidding pa kasi ‘yan, ide-deliver, ire-repack so mas matagal,” ayon sa opisyal nang makapanayam sa DZBB.
Ayon sa guidelines ng Department of Budget and Management, tanging mga low-income individuals ang makakatanggap ng P1,000 ayuda na ipinangako ni Pangulong Duterte nang una nitong ideklara ang ikalawang ECQ noong isang linggo. Kada apat na indibidwal sa isang pamilya ang maaaring makakuha ng ayuda.