TINIYAK ni Pangulong Bongbong Marcos na tuloy-tuloy ag pagbibigay ng allowance sa mga healthcare workers sa kabila ng pag-aalis ng state of calamity bunsod ng coronavirus disease (COVID-19).
“Tuloy-tuloy ‘yan… Yung inaalala ko dati na hindi matutuloy ang compensation para sa ating health workers, ‘yung mga health workers, ‘yung allowance nila ay pinag-aralan namin nang mabuti kahit hindi itinutuloy ang state of calamity ay hindi maapektuhan ang pagbayad doon sa ating mga health workers ng kanilang mga benefits,” sabi ni Marcos matapos ang pakikipagpulong sa mga opisyal sa Malacañang.
Matatandaang idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 929 noong Marso 2020 bunsod ng COVID-19.
Nauna nang sinabi ni Marcos na hindi na niya balak palawigin ito sa harap naman ng pagbubukas ng ekonomiya.
“Pababa naman nang pababa ang ating cases, pababa nang pababa naman ang ating hospitalization, ‘yun ang binabantayan natin. So titingnan natin. Hindi na kailangan kagaya ng 2021 na lagi tayong nagmamadali makakuha ng vaccine dahil pabawas na ‘yung risk, so dapat naman eh mag-adjust din tayo doon sa kung ano ba talaga ang scientific na assessment doon sa sitwasyon ng COVID,” sabi ni Marcos.