PALALAWIGIN hanggang Oktubre sa Metro Manila ang ipinaiiral na bagong alert level system na may kasamang granular lockdown.
Ani Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing: “Ang pananaw po namin baka ma-extend pa uli itong pagpa-pilot sa NCR.”
“Sa October i-extend pa natin sa NCR,” dagdag niya.
Isiniwalat ng opisyal na mayroong posibilidad na rebisahin ang mga guidelines sa pagpapatupad ng alert level system.
Sa kasalukuyang sistema ay ipinaiiral ang granular lockdown sa mga lugar na mayroong mataas na kaso ng Covid-19 imbes na sa buong probinsya o rehiyon.
“Magkakaroon kami ng pagpupulong sa iba-ibang ahensya dito sa sub-technical working group on data analytics. Ire-review po namin itong mga panuntunan natin doon sa pilot dito sa NCR, at sa pananaw po namin magkakaroon ng pagrerebisa,” aniya.
Idinagdag ni Densing na plano rin nilang ipatupad ito sa mga lugar sa labas ng Metro Manila.
“Nung Lunes po, nagsalita po ako sa ating asembliya ng provincial o local league of provincial governors at nabanggit ko nga itong maging ready na sila, maintindihan na nila itong alert level systems. Open po sila. Kaso nga lang ang aming initial na pananaw dito, baka hindi pa lahat ay ready,” aniya.
“Baka magkaroon tayo ng piloting naman sa iba’t ibang probinsya at highly-urbanized city sa labas ng NCR para gawin itong alert level system,” dagdag niya.
Naniniwala si Densing na mabisa ang nasabing alert level system para mapababa ang kaso ng Covid-19.
“Kailangan stable ‘yung average daily cases natin ng COVID-19. Kung hindi man stable kailangan bumaba, at nakikita na natin itong huling tatlong araw medyo pababa na po ‘yung numero,” aniya pa.