POSIBLENG ibababa sa Alert Level 2 ang status sa Metro Manila sakaling patuloy ang pagbaba ng bagong kaso ng coronavirus disease.
Ito ang sinabi ngayon ni Interior Undersecretary Epimaco Densing III, kasabay ang pag-asa na bababa ang kaso sa 1,000 kada araw sa mga susunod na linggo.
“Kung siguro kapag bumaba pa ‘yan ng less than 1000, baka pwede, (nang ibaba sa Alert Level 2).” ayon kay Densing.
Ani Densing umaabot sa 1,500 hanggang 1,600 ang average cases ng NCR nitong mga huling araw.
“‘Yung health care utilization rate ng National Capital Region less than 50 percent na lang. ‘Yung ICU bed, less than 60 percent, halos nandoon na siya sa low risk, moderate risk level at ang kadahilanan nito ay ang bakuna,” ayon sa opisyal.
Mas dadami na ang maaaring magbukas na establisyimento sa ilalim ng Alert level 2, ani Densing.
“Kaya kung magdidisiplina tayo lahat at hindi na kumalat ‘yung COVID-19 at bakunado tayong lahat, mag-iimprove ang ating health care capacity, baka hindi malayo ang posibilidad na mag-alert level 2.”