SINABI ng OCTA Research Group na apat na lugar sa bansa ang nasa ‘areas of concern’ bunsod sa kinakaharap ng mga ito na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ang mga tinukoy na nasa ilalim ng areas of concern ay ang mga syudad ng Cagayan de Oro, Puerto Princesa, Zamboanga at Bacolod, ayon kay OCTA Research Group fellow, Professor Guido David.
“Sa ngayon medyo mataas ang attack rate na nakikita natin dito especially sa Cagayan de Oro, so medyo concerning,” pahayag ni David sa isang panayam sa radyo.
Sa Zambonga City, ilang linggo na umano itong nakararanas ng mataas na bilang ng mga bagong kaso ng impeksyon.
“So, ibig sabhin hindi pa bumababa and definitely, kailangang matutukan yan ng local government,” dagdag pa ni David.
Duda rin si David na galing sa Metro Manila ang pagkalat ng virus, sa pagsasabing nananatili pa rin sa bubble ang NCR at iba pang kalapit na lugar nito.
“Baka may pumasok na variant sa ibang channel, ibang airport sila dumaan or dumiretso sila sa provinces tapos hindi na-check, pero hindi pa naman natin napi-pinpoint kung variant ang dahilan dito, nakikita lang natin may increase in cases, kaya patuloy nating minomonitor ang mga areas na ito,” aniya.