PINAYAGAN ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na itaas sa 30 porsyento ang seating capacity sa mga religious gatherings sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal hanggang sa katapusan ng buwan.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nagdesisyon ang task force na itaas ang cap sa religious gatherings mula sa 10 porsyento bunsod ng pakiusap ng ilang religious groups at ng mga ginawang pag-aaral ukol dito.
Matatandaan na kamakailan lamang ay ipinagtanggol ng Malacañang ang limitadong bilang ng papayagang magsimba sa NCR Plus na nasa ilalim ng heightened general community quarantine.
“Hindi tayo sigurado kung gaano ang extent ng prevalence ng mga bagong (Covid-19) variants kaya minabuti nating hanggang 10 percent muna po ang ating religious gathering,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.
“Huwag po kayong mag-alala, ito po ay panandalian lamang, ito po ay intermediate between our transition from MECQ to GCQ, so unti-unting pagbubukas lang po,” dagdag ni Roque.