DUMATING pasado alas-6 ng umaga Martes sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang 3,320,960 doses ng AstraZeneca at Pfizer.
Kabilang sa mga tinanggap ng pamahalaan ang 1,697,000 doses ng AstraZeneca na donasyon ng French government sa pamamagitan ng COVAX facility at 1,623,960 doses ng Pfizer na donasyon naman ng US government.
Kagabi, dumating naman ang 976,950 doses ng Pfizer.
Kasabay nito, nanawagan si Vaccine czar Carlito Galvez, Jr. sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang kampanya para sa pagbabakuna sa harap ng banta ng Omicron variant.
Nauna nang kumpirmahin ng Department of Health (DoH) ang pangatlong kaso ng Omicron sa bansa.
“Nakikita na ‘yung Omicron maybe sabihin nating medyo mild, pero kapag dumami ang [cases], there is a possibility na tataas din ang deaths, hospitalization at severe cases considering that mao-overwhelm ang health services natin. Sa mga LGU, i-revisit natin ‘yung ating immediate pandemic response. Mag-prepare tayo, ‘yung response natin in-scale. Idouble-up natin, tingnan natin ang quarantine facilities, hospitals, health workers,” sabi ni Galvez.
Base sa datos nitong Disyembre 19, nakapagturok 100,907,667 doses kung saan 43,534,136 indibidwal ang fully vaccinated.