16 pang bumisita sa Gubat sa Ciudad positibo sa Covid-19

LABING-ANIM pang katao na nagpunta sa Gubat sa Ciudad resort sa Caloocan ang nahawa ng Covid-19.


Sa kasalukuyan ay 20 na sa daan-daang bumisita sa resort ang nagpositibo sa sakit, ayon sa Caloocan Covid-19 Command Center.


Wala namang mararamdamang sintomas ang 16, na dinala na sa quarantine facilities sa siyudad.
Natunton na ng lokal na pamahalaan ang 217 nagtungo sa Gubat sa Ciudad noong Mayo 9 para ipagdiwang ang Mother’s Day.


Samantala, mananagot ang mga opisyal ng Brgy. Matictic sa Norzagaray, Bulacan dahil sa pagpapapasok nila ng mga tao sa Bakas River noong Linggo.


Libo-libo ang nagtungo sa ilog para magpiknik at maligo pero 75 lamang ang natiketan dahil sa hindi pagsusuot ng face mask.


Nahaharap sa kasong administratibo at kriminal ang barangay chairman at iba pang opisyal kung hindi umano nila maipapaliwanag kung paano nanatiling bukas ang ilog kahit umiiral ang general community quarantine “with heightened restrictions” sa Bulacan, ayon sa municipal government ng Norzagaray.