NAKATAKDANG bakunahan ng pamahalaan ang 15 milyong bata na may edad 5 hanggang 11, ayon kay Dr. Ted Herbosa, adviser ng pandemic response task force.
Sisimulan ang pagbabakuna sa mga bata simula sa Biyernes, Pebrero 4.
“Sa February 4 maguumpisa tayo sa ilang ospital kagaya din nung ginawa natin nung 12 to 17 (years old). Inuna natin ang mga batang may comorbidity o immunocompromised dahil sila talaga ang high-risk,” ayon kay Herbosa.
“Immediately after tuloy-tuloy yan nationwide na babakunahan ang 5 to 11 years old,” dagdag pa niya.
Tanging ang mga bata na may dati nang kondisyong medikal ang kailangang magpakita ng medical certificatie mula sa kanilang mga doktor habang ang iba ay susuriin bago ang pagbabakuna, sabi ni Herbosa.
Susubaybayan din sila ng 15 minuto pagkatapos ng pagbabakuna, dagdag niya.
Lagnat ang isa sa pinaka common na side effect ng bakuna.
“Usually parang matamlay ang bata. Puwede magkalagnat o sinat at pwede namang bigyan ng paracetamol,” sinabi niya.
“Babantayan niyo lang after a day or so okay na ulit ang bata, maglalaro-laro na yan.”