SISIMULAN na ang pagbabakuna sa mga batang edad 12 hanggang 17 ngayong Biyernes sa walong ospital sa Metro Manila.
Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Philippine General Hospital spokesperson Dr. Jonas Del Rosario na 12 batang may comorbidities ang inisyal na benepisyaryo ng pagbabakuna.
“Ngayon araw, 12 patients po ang ceremonial vaccinees muna. Next week po 20 per day, kaya meron kaming 300 na pre-registered. After that, depende na po sa magiging assessment natin, evaluation ng ating initial implementation. Papalawigin po natin ang pagbabakuna kung kinakailangan,” ani del Rosario.
Idinagdag niya na pinili ang mga bata mula sa mga may rekord na sa PGH matapos namang maospital o magpakonsulta sa naturang pagamutan.
“Ating unang tiningnan ‘yung mga pasyente ng PGH, na na-admit na noon, tiningnan natin ang kanilang comorbidties, kaya lahat po ‘yan ay pre-registered,” dagdag niya.
Pfizer ang gagamitin sa pagbabakuna. –WC