1.5M doses ng Sinovac vaccine darating sa Biyernes

MATATANGGAP na ng Pilipinas ang 1.5 milyong karagdagang doses ng bakuna mula sa Sinovac.


Ayon kay Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana, nasuri na niya ang mga kahon ng bakuna sa mismong warehouse ng Sinovac sa Daxing, Beijing.


“A big shipment of Sinovac vaccines will be delivered to the Philippines on Friday,” ani Sta. Romana sa post niya sa social media.


Sa kasalukuyan ay nakatanggap na ng 3.5 milyong doses ng bakuna mula sa Sinovac ang Pilipinas, kung saan isang milyon ay donasyon ng China.


Samantala, naglabaa na ng emergency use authorization (EUA) ang Food and Drug Administration (FDA) para sa Moderna vaccine.


Inihayag ni FDA director general Eric Domingo na inaprubahan na ng ahensya ang EUA ng Moderna, 10 araw matapos magsumite ng aplikasyon ang local distributor nito na Zuellig Pharma.


Idinagdag ni Domingao na hindi na umabot ng 21 araw ang isinagawang pagrerepaso sa aplikasyon ng Moderna dahil nakumpleto agad ang kinakailangang mga dokumento.


Sinasabing 94 porsyentong epektibo ang Moderna vaccine laban sa Covid-19.


Bukod sa Moderna, binigyan na rin ng EUA ng FDA ang Pfizer-BioNTech, AstraZeneca, Sinovac, Gamaleya, Janssen ng Johnson & Johnson, at Bharat Biotech.