NAKITA ko lang sa maraming posts sa socmed ang tanong. Di ko maiwasang ma-amused, at mapailing. May halaga ba sa ating pang araw-araw na laban sa buhay ang bagay na ito?
Karamihan sa mga kumakagat ng hamon o laro ay mga artista na siyempre pa ay may mga high-end, large capacity refrigerators na ang presyo ay puwede ng ipang downpayment ng condo unit. Hindi ko alam kung may pinopromote silang produkto o simpleng gusto lang nilang maging bahagi ng kung ano ang trending sa socmed para magpasiklab at umani ng likers at followers.
Whatever is the reason for such, I find it to be insensitive. Ang explosion ng online activities na ganito, whether laro lang o sa kung anong dahilan ay hindi akma sa panahon ng kasalatan ng marami. Sa article 25 ng Kodigo Sibil ay maliwanag na nakasaad ang pagbabawal sa “thoughtless extravagance for pleasure or display during a period of acute want…”
Pero maaaring sasabihin mo, laman lang ng refrigerator na pinapakita, thoughtless extravagance na?
Ang totoo, may mahalagang dahilan kung bakit dapat iwasang mag post ng mga ganito.
Ang rationale, ayon sa probisyonng Kodigo Sibil ay eto: A thoughtless display may unwittingly kindle the flame of unrest in the hearts of the poor who thereby become more keenly conscious of their privation and poverty and who may rise against the obvious inequality.” (Tolentino, Civil Code of the Philippines).
Mas madaling sumiklab ang galit ng taong nagugutom, kaya bago mag post ng luho at kalabisan, isaalang-alang ang kalagayan ng iba, partikular ang mga walang trabaho sa panahon ng pandemya. Tanungin ang sarili kung makabuluhang impormasyon ba ang isi-share.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nag-react ako sa public display of wealth ng mayayaman at maimpluwensiya sa lipunan.
Noong nakaraang mga buwan, nagkomento ako sa post ng isang maybahay ng senador na takaw-atensyon sa kanyang mga nilalabas partikular sa Instagram. Natural, umani ako ng katakot-takot na bashers sa socmed. Inggit lang daw ako. Ano ba raw pakialam ko e pinaghirapan naman ng asawa niya ang perang ipinambili. And so on and so forth.
Was I? People who knew me would think otherwise. And there was no explaining needed on my part.
Naalala ko may panahong ganyan din ako mag-react.
Nagtrabaho ako sa isang NGO na ang advocacy ay food security at farmers. Sa mga miting at pagtitipon normal sa akin na magsuot ng gold earrings, gold bracelet, gold necklace. Medyo masinop kaming mag-asawa at parehong kumikita ng sapat noon. Pinaghirapan at pinag ipunan ang ipinambili ng alahas na itinuturing naming investments for the future. At bilang abugado ang asawa, madalas gold item ang regalo tuwing mahalagang araw. (Alam na alam niya na sa Family Code, ang alahas ay owned by both spouses sa property liquidation).
Anyway, may isang pagkakataon–miting noon ng organisasayon kasama ang mga magsasaka at ibang stakeholders kung saan pinuna ako ng kapwa ko advocates sa kumikinang kong loop earrings. Tanong nya kung wala ba akong accessory lang. Unang reaksyon ko siyempre ay mainis at mag-isip ng negatibo sa tao.
But then I realized may punto pala siya. Ang pinag uusapan sa pagtitipon ay kaapihan, kakulangan, kahirapan ng mga magsasaka tapos napaka- insensitive ko sa pagdi -display ng aking karangyaan! Never mind kung pinaghirapan ko ito. Na totoo naman.
Bagamat wala akong intensyon na ipangalandakan ang mga iyon, maling-mali na hindi ako naging sensitibo sa pakikiharap sa kanila. Eventually natutunan ko ang aking leksyon. May tamang okasyon para magsuot ng kung ano ang dapat.
Katulad ng sarili, kung bibihisan mo ang iyong bahay, minsan ay mas tamang isipin kung ano lang ang necessity, functional, simple, harmless at energy efficient. The more complicated kasi the equipment, halimbawa ng iyong refrigerator-mas malaking problema ang dala hindi lang sa kaligtasan kundi para sa kalusugan at maging sa kalikasan.
Mas maraming imbak na pagkain at inumin na nakalagay sa mga unsafe containers, mas delikado rin sa kalikasan. Ang mga balot ng tsokalate na gawa sa plastic ay nasa kategorya ng non-biodegradable kaya mahirap mabulok agad. Ang mga botelyang plastic ng gatas at juices ay mahirap ding i-dispose safely. Kaya banta rin sa kalikasan.
Kung tatanungin niyo ako kung ano ang laman ng aking ref, madalas ay tatlo hanggang anim na klase lamang: tubig, keso, red wine, at mga prutas at gulay, at natirang ulam na nakokonsumo in one to two days. Mayroon ding karne at isda, na pang balanse lang para sa mga anak na kailangang kumain ng mabigat dahil may mabibigat na aktibidades. Kapag may natirang pagkain, agad itong inilalaan sa ilang malapit na kakilala o mga alaga. Walang guilt sa sarili na nagmalabis sa sagradong grasya dahil lahat ay naipamahagi sa kung saan at kanino nararapat.
Pagsumikapan nating maging balanse sa totoong buhay. Minimalism ang dapat magtrending, hindi pasiklaban ng materialismo.
Mas magaan, mas ideal.