NGAYONG Miyerkoles, October 13, 2021, ang simula ng napakaimportanteng dalawang araw na council meeting ng World Trade Organization Trade-Related Aspects of Intellectual Property Rights (WTO TRIPS) sa Geneva, Switzerland.
Sentro ng usapan ang pansamantalang pagsuspinde sa pagpapatupad ng patent sa mga bakuna at iba pang COVID technical know-how at technologies o mas kilalang TRIPS Waiver.
Ibig sabihin, pag inaprubahan ang TRIPS Waiver, mabibigyan ng lisensya ang local drug manufacturers sa maraming bansa na gumawa ng mas maraming bakuna.
Sa ganitong paraan, mababakunahan ang pinakamaraming tao lalo na sa mahihirap na bansa na kokonti pa lang ang bakunado.
Mas epektibo at mas mabilis ding makokontrol hanggang masugpo ang pagkalat ng infection.
Isang taon na rin mula nang i-push ng India at South Africa ang TRIPS Waiver na sinuportahan ng mahigit 100 bansa, pero hanggang ngayon, nganga pa rin, deadlock, dedma ang mga big pharma na karamihan ay nasa Switzerland, kung nasaan nag-uopisina ang WHO headquarters.
Ngayong aabot na sa 5 milyon ang COVID deaths, mismong si WHO technical lead para sa Covid, Maria Van Kerkhove, ang nagsabing nagkandamatay nang walang saysay ang mga tao dahil kulang o wala silang supply ng bakuna.
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, kulang-kulang sa limang porsyento ng populasyon ng Africa ang fully vaccinated, samantalang ang mayayaman at upper-middle-income na bansa ang nakagamit na ng 75porsyento ng mga shot na nagawa ng big pharma.
Hanggang kahapon, October 12, sa datos ng Our World Data ng University of Oxford, 74 sa 186 bansa na kanilang namonitor kasama ang Pilipinas, ang 30 porsyento pa lang ng populasyon ang nabakunahan.
Congo ang kulelat na 0.1porsyento lang ng populasyon ang bakunado ng 2 doses. Nasa 34 bansa karamihan sa Africa ang 10 porsyento pa lang ng populasyon ang nabakunahan.
Habang ang United Arab Emirates ang nangunguna sa pinakamaraming nabakunahan na may 97 porsyento first dose at 86 porsyento naman ang meron nang second dose.
Grabe patapos na silang lahat bakunahan samantalang nagsisimula pa lang ang Congo.
Duda ang mahihirap na bansa – may nangyayaring hoarding ng bakuna sa high-income countries.
Noon pa ngang May, 2021, idineklara na ng WHO Director na lumala na ang sitwasyon sa “vaccine apartheid” o diskriminasyon sa bakuna.
Kaso, 10 pake lang ang big pharma.
Ang Russia, nagbigay ng lisensya sa maraming drug manufacturer sa iba-ibang bansa tulad ng South Korea, etc., para mag-produce ng Sputnik vaccine.
Ayon sa ating Department of Health (DOH), hanggang kahapon, October 12, nabigyan na ng first dose ang 26,486,522 o 24.04 porsyento ng ating populasyon habang 23,186,969 o 21.04 porsyento na ang may dalawang doses.
At syempre, kahit global call na lang para sa TRIPS Waiver ang gagawin, kamote pa rin ang Pilipinas at nung isang Lunes lang , October 4, nakiisa at pumusisyon ang Malacańan.
Nauna na itong i-push ng Senado at health and medical sector.
At nitong October 7, bumanat si UN Secretary Antonio Guterres na “immoral and stupid” ang unequal distribution ng COVID vaccines sa buong mundo.
Ayon sa economictimes.com, inaasahan ng Pfizer na kikita ito ng $26 bilyon ngayong taon dahil sa bentahan ng COVID vaccines. Ganun din ang Moderna na umaasa ng $18.4 bilyon kita.
Ayon naman sa Desertsun.com, nung second quarter ng 2021, iniyabang ng drug giants na kumita sila ng $1.1bilyon – Bristol Myers Squibb, $1.2 bilyon ang Merck, $2.9 bilyon Novartis at $6.3 bilyon naman ang Johnson & Johnson.
Habang nagkandamatay ang mga nagka-COVID, nagpapakalunod naman sa salapi ang mga walanghiyang Big Pharma.
Kaya dapat igiit ang bakuna para sa lahat ng madlang pipol sa buong mundo.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]