NAGLOLOKOHAN na lamang tayo kung maniniwala tayong walang kapalit na pabor ang pag-ampon ng isang political group sa mga kandidato ng mga tinaguriang front organizations ng Communist Party of the Philippine o CPP.
Malaki ang kanilang magiging pakinabang dahil una ay malaya sila makakapangampanya sa mga lugar na kuta ng teroristang grupo.
Bukod pa rito ang paghahakot sa mga raliyista na nagagamit rin sa mga political rallies na syempre ay kailangang pondohan para ganahang dumalo ang mga kunwari’y makabayan kuno.
Hindi na bago ang alyansang ito lalo pa’t pareho sila ng interes na makabalik sa pwesto at magpasasa sa kapangyarihan sa pamahalaan.
Sa matagal na panahon ay nakinabang sa partnership na ito ang komunistang grupo at nakapagpalakas pa nga sila ng kanilang iligal na koleksyon ng pera na tinatawag nilang “revolutionary tax”.
Sa mahabang panahon ay bigo ang mga nagdaang administrasyon na sugpuin ang grupo ng mga teroristang ito dahil na rin sa kanilang impluwensya sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
Nakalos lang ang ilang mga tulisan nang ilunsad ng kasalukuyang pamahalaan ang kampanya laban sa mga terorista kung saan kabilang ang CPP-NPA.
Para silang mga langaw na nabulabog sa kanilang mga lungga nang ilunsad ng pamahalaan ang sunud-sunod na opensiba lalo na sa mga kanayunan.
Dito lumabas kung sino ang mga tunay na matatapang na nakipagsabayan sa mga kawal ng pamahalaan samantalang ang ilan ay nagpasyang magtago sa likod ng mga rally at mga banat sa social media lamang.
Sila yung mga duwag na “keyboard warrior” at mga “makabayang kulelat” na puro ngawa lamang ang ginagawa para upakan ang administrasyon.
At ngayong nalalapit ang eleksyon ay natural lamang na kumapit sila sa isang political group na bagama’t alam nilang sa kangkungan rin pupulutin ay kanila na ring pinag-tiyagaang dikitan dahil sayang rin naman ang kanilang kikitain sa totoo lang.
Huwag tayong paloko sa mga propaganda ng mga grupong ito dahil bahagi lamang ang taktika na ito para muling palakasin ang kanilang sisinghap-singhap na organisasyon.
At sa mga kaalyado ng komunistang grupo, aba eh panahon na para isipin ang inyong future sa kilusan dahil mga pamilya lamang ng inyong mga lider ang siyang nakikinabang sa iyong mga pinaglalaban.
Kung kayo ay nagtyatyaga sa nilagang kamote, aba eh tingnan niyo ang luho at lifestyle ng inyong mga lider para matauhan kayo.