KALMA lang, hindi ko naman nilalahat.
Base yan sa karanasan, itsura ng motor at datos.
May mga indibiduwal at grupo ng responsible motorist na walang sawang kumikilos at nagpapaalala sa riders na maging maingat sa lahat ng oras.
Para sa akin, most dangerous type of vehicle ang motorsiklo sa itsura pa lang niya.
Kung ang regular na sasakyan ay may body (bubong, katawan o dingding) ang motor, helmet ang bubong at ang katawan ay ang mismong braso, dibdib at likod ng rider ang pansanggalang. Parang robot na hindi naman.
Ilang beses na ba akong naka-witness ng nababanggang nakamotor tapos titilapon ang rider sa ere na parang nagso-sommersault – mga eksenang pinakaayokong masaksihan. Nakakakilabot kaya.
Ang Kuya Miguel ko, namatay nang nabangga ng malaking truck sa bandang Sta Mesa, Maynila, madalìng araw.
Ang ate ko, minsan nang sumubsob. Basa ang daan at talagang maingat naman silang nagmemenor na mag-ina.
Kumbaga super ingat na ang lagay na yan, nadulas pa rin ang motor.
Huminto na sila sa pagmomotor.
Ang bayaw ko, hindi rin naiwasang maaksidente sa motor, natuto sa karanasan at tumigil na rin.
May mga pamangkin ako na nagmomotor din.
Hindi rin ligtas sa mga huli o traffic violations. Minsan kasi pasaway.
Sa report ng International Trade Administration noong 2022, napansin nito ang patuloy na pagdami ng mga sasakyan sa Pilipinas.
Sa datos, umabot sa 13,889,136 ang registered vehicles, mas marami ng seven percent sa naunang taon.
Higit kalahati nito, 7.81 million, ay registered motorcycles at tricycles, ayon naman yan sa datos ng Statista.
Noon ding 2022, inireport ng Statista na sa Metro Manila, 23 percent o higit dalawa sa 10 road accidents ay sangkot ang mga motorsiklo, pangalawa sa mga kotse na 52 percent. Aw, deadly vehicle talaga.
Minsan sa kamamadali, pinasakay ako ng kasamahan ko sa JoyRide mula Antipolo papuntang Makati dahil hindi na ako masusundo.
Asar-talo talaga ako. Dahil mahalaga ang meeting, napilitan akong umangkas. Pero syempre nag-navigator ako sa rider para safer.
Takot na takot kaya ako, lalo na sa C-5 at EDSA – nakakatabi namin ang mga malalaking sasakyan.
Tapos kahit kanal, pagkakasyahin talaga ng rider ang motor makaabante lang sa traffic.
Eto pa ang mga kapansin-pansin:
Kapag ang sinasakyan ko ay naabutan ng red light, maya-maya lang ay parang nagdidilim na kalangitan ang harapan namin dahil umaabante ang mga motor sa unahan. Parang mga bubuyog sa windshield hahaha.
Pag green light, harurot na ang mga loko.
Tapos habang umaandar ang sasakyan, talagang kaliwa’t kanan may sumisingit na single sa gitna ng mga regular na behikulo.
Kapag naman nagasgasan ng motor ang kotse at sinita ng driver, makikipagtalo at galit pa.
Habang tumatagal ang argumento, isa-isa namang humihinto ang ibang motor na parang kinukuyog ang driver ng kotse. Kaya kakabahan ka at para iwas gulo, iiskyerda ka na lang.
Minsan may mag-asawa nagmomotor ang nasa gitna nila – sanggol. Pwede ba yun?
Sa gabi pag off duty na ang traffic enforcers, naglalabasan na ang maraming nagmomotor na walang helmet, menor de edad at walang lisensya.
Ang iba, pagkagaling sa walwal o party party, magda-drive pa rin kahit groggy na.
Sa mga probinsya, mas pronounced ang maraming nagmomotor na walang registration tapos bihira ang enforcer sa lansangan.
Karamihan sa mga yan – habal habal – popular mode of public transportation sa kanayunan na mga bundok at sapa ang pagitan. Ang problema mas normal yata ang hindi rehistrado.
May mga rekomendasyon na irehistro na ang mga habal-habal.
Sa ganito nga namang paraan, magkakaroon sila ng mandato na maging responsableng motorista at magkaroon ng pananagutan sa batas kapag lumabag o magkamali.
Nitong Lunes, April 22, ibinalita rito sa Publiko na balak ng Department of Transportation (DOTr) at Metro Manila Development Authority (MMDA) i-revive ang motorcycle lane sa EDSA.
Dati na kasing may blue lane noon para sa motorcycles pero wala namang nangyari, maski mga kotse dumadaan din pag naengganyong mag-lane shift pag walang naka-single na bumabaybay sa blue lane.
Pero ang context ng motorcycle lane ay part ito ng maayos na daloy ng trapiko and incidentally, safety measure na rin.
Mas sakto o appropriate para sa akin ang pini-pitch ni Sen. Grace Poe na pagbubuo ng Philippine Transportation Safety Board na tututok sa imbestigasyon ng mga transportation accidents.
Paniwala ni Poe, makatutulong ang mga datos na mabubuo rito, para sa pagbalangkas ng mga batas para sa ibayong kaligtasan ng riding public.
Kung kayo ay may mga suggestion para sa safety ng mga motorista at pasahero, comment down lang o sumulat, mag-tweet, sa mga lawmaket, o ahensya ng gobyerno.
Last na lang- minsan na rin akong humanga sa mag-asawang naka-motor – sa kahabaan ng Marcos Highway, hindi umaalis sa kanilang lane at hindi rin sila nagte-take over sa sasakyan sa kanilang unahan.