Wag kami

MALIGALIG sa socmed ngayon. May social unrest.

Nag-ugat ang ‘kaguluhan” sa inihain na panukalang-batas na House Bill 6398, o Maharlika Wealth Fund o Sovereign Wealth Fund (SWF). Principal authors ng panukala sina Speaker Martin Romualdez, pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ni House Deputy Leader Ferdinand Alexander Marcos, anak ng pangulo. 

Sa naturang panukala, magiging chairperson ng itatatag na Maharlika Wealth Fund Corporation ang mismong pangulo ng bansa.

Manggagaling ang seed money o inisyal na pondo ng proposed investment fund na P275 bilyon mula sa Government Service Insurance System (GSIS), sa Social Security System (SSS), sa Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) at Home Development Mutual Fund (HDMF).

Magandang adhikain, kuwestiyonableng tunguhin.

Hindi na bago sa pandinig ang salitang “maharlika”. Paboritong salita ito ng angkan ng yumaong Ferdinand Marcos dahil ayon sa kuwento ng mga Marcos, pinangunahan ng yumaong presidente ang Maharlika Guerilla Unit na lumaban sa puwersa ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 

Ngunit ayon sa mga historian, gawa-gawang pagkabayani ang naratibong ito ng mga Marcos dahil lumitaw ang totoong lider ng gerilya unit diumano ay “inagawan” ng kaukulang pagkilala.

May bahid ng iregularidad, kung ganun, ang salitang maharlika. Dahilan kung bakit anumang bagay na ikabit sa salitang ito ay nagiging kuwestiyonable.

Kuwestiyonable din ang sinumang sususog dito. Suportado ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Maharlika Fund. Ang pag-endorsong ito ay tinitingnan ng mga kritiko ng panukalanag batas na affirmation ng maitim na balak ng mga proponent ng batas. 

Matatandaang naakusahan ng plunder ang dating pangulo. Naabsuwelto siya hindi dahil hindi siya napatunayang guilty kundi dahil hindi maituro ng mga testigo ang “main plunderer” sa kaso. Noong 2016, nang maupo si Pangulong Rodrigo Roa-Duterte, nagulat ang marami nang mapabalita ang pag-absuwelto kay Arroyo.

Unconstitutional

Sa taya ni dating mahistrado Antonio Carpio, unconstitutional ang Maharlika Fund. Inugnay niya ito sa isang probisyon sa Saligang Batas na “Article 3, Section 9. Private property shall not be taken for public use without just compensation.” Ayon kay J. Carpio, personal na kontribusyon ng bawat miyembro ng SSS, HDMF at GSIS ang salapi mula rito, at ang paggamit dito ng gobyerno ay hindi sumasang-ayon sa isinasaad ng batas.

Sa paningin naman ni Albay Representative Joey Salceda, ang pondo ay para sa public purpose, at hindi dapat mangamba ang mga miyembro ng mga naturang ahensya dahil babalik sa kanila ang anumang kita mula sa naturang investment fund.

Humihiling ang ilang mambabatas na magkaroon pa ng public consultation upang pag-aralan ang House Bill 6398. Ito ay higit lalo dahil sa walang representasyon mismo mula sa hanay ng ordinaryong tao. Nangangamba sila na matulad ang Maharlika Fund sa Coco Levy Fund na pinamahalaan ng mga politiko at hanggang ngayon ay hindi pa napapakinabangan ng mismong coconut farmers.

Subalit aprubado na umano in principle ang naturang panukala. 

Pondo Para Kanino?

Usapin ng tiwala o public trust ang Maharlika Fund.

Ang nililikhang ingay nito sa socmed sa ngayon kung saan laganap ang galit, pangamba at indignasyon ng netizens ay nakaugat sa sistematikong kasaysayan ng pandarambong ng mga politiko na minsan nang nairekord ang mga pangalan sa usapin ng pangungulimbat sa kaban ng bayan. Ipagkakatiwala ba natin ang public funds na hawakan at ipamuhunan ng mga politikong ito na ni hindi natin ibinoto dahil sa kanilang madilim na nakaraan?

Garapal at brutal na pang-iinsulto sa taumbayan ang pagtatatag ng isang investment corporation na etsa-puwera mismo ang mamamayang unang apektado nito.

Maging mga retirees ay tutol sa Maharlika Fund at nagbabantang i-withdraw in lump sum ang kanilang naipon na pension. Nagpahayag na rin ng pagtutol ang maraming indibidwal at nagnanais nang kunin ang kanilang mga kontribusyon sa SSS at GSIS.

Social unrest, bank run at iba pang inconveniences ang nililikha at possible consequences ng Maharlika Fund. Nais nitong i-eksploit ang lehitimong pangangailan ng gobyerno ng pinansiya sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga ahensiyang pinopondohan ng ordinaryong mamamayan. Bakit lagi’t lagi ay ordinaryong mamamayan ang nais hingan ng sakripisyo? Bakit hindi sila mismong mga nakaupo na may mga kaso ng tax fraud at corrupt practices act?

May hangganan ang pagtitimpi ng taumbayan. Huwag antayin ang panahong nanaisin muli nilang manindigan at magpasya.

Huwag ako. Huwag sila.

Huwag kami.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]