DALAWANG taon na walang naging problema sa pag-aprub sa budget ng Office of the Vice President.
Dalawang taon ding hindi nahirapan ang OVP na humingi ng malaking budget para sa ahensiya. Pati confidential fund na nasa milyong halaga ay binigay rin.
Ngunit anong nangyari at tila hirap na hirap ang OVP na magpa-aprub ng budget nila para sa 2025.
Una, ayaw sagutin ni Vice President Sara Duterte ang mga tanong kung papaano niya gagamitin ang budget.
Hindi rin sinasagot ni VP Duterte ang mga tanong hinggil sa kwestiyonableng paggastos sa mga nakaraang budget na base naman sa resulta ng audit ng Commission on Audit.
Dalawang beses na ring inisnab ni VP Duterte ang hearing sa Kamara kaugnay ng budget ng OVP.
Nagkaroon pa nga ng mainit na sagutan sa pagitan ng mga kongresista nitong nakaraang budget hearing.
Dapat daw kasi ibigay ang nararapat na kurtesiya at galang bilang isang tradisyon na binibigay sa opisina ng pangulo at pangalawang pangulo at hindi na kailangan pang kwestiyunin ang hinihinging budget.
Subalit nais naman ng ibang kongresista na bigyang linaw ang mga umanoy mismanaged funds ng OVP. Maging accountable siya sa pondong ibinigay sa kanyang opisina.
Ngunit, tila ayaw talaga sagutin ni VP Duterte ang mga katanungan. Ano kaya ang dahilan niya bakit umiiwas siyang sumagot?
Hindi tuloy maalis sa isipan ng mga tao na may tinatago siya. Nawaldas nga ba ang pera ng taumbayan? Ginastos nga ba ng walang kapararakan?
Paano natin malalaman kung hindi siya sasagot?
Mapagkakatiwalaan pa kaya siya na humawak ng malaking halaga gayung hindi pa rin niya na-explain paano niya naubos ang P125 milyon sa loob ng 11 araw? Yes, issue pa rin ito hanggang ngayon.
Hindi lang naman ang budget ng OVP ang binubusisi tuwing budget deliberations. Lahat ng ahensiya tinatanong. Walang exemptions. Lahat sumasagot, lahat ng tanong sinasagot at binibigyang katarungan bakit nararapat na ibigay sa kanilang ahensiya ang hinihinging budget.
Pwera lang ang isa.
Tanging si VP Duterte lang ang ayaw makipag-cooperate.