OKTUBRE noong nakalipas na taon nang naisulat ko sa aking column ang pagbibigay ng Kongreso ng prangkisa sa isang TV-radio satellite broadcasting network.
Noon ding taon na iyon ay aktibo na sa cable broadcast operation sa mga lalawigan ang nasabing broadcast firm.
At nitong nakaraang linggo nga ay nabigyan na ng temporary broadcasting permit ng National Telecommunication Commission (NTC) ang Advanced Media Broadcasting System.
Ito ay pag-aari ng pamilya ng pinakamayamang Filipino na si dating Senate President Manny Villar.
Gamit ang dating broadcasting frequencies ng ABS-CBN, ang grupo ni Villar ay sinasabing magbo-broadcast sa kanilang pasilidad sa Starmall na matatagpuan sa kanto ng Edsa at Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.
Sinabi ng aking spotter na maraming mga aplikante ngayon lalo na yung mga nawalan ng trabaho sa ABS-CBN ang nagpaparamdam na “beke nemen” ay makapwesto sa tinaguriang “Villar Network”.
Kapag nagkataon ay magre-reunion sa nasabing lugar ang mga dating kapamilya at ilan pang personalidad na posibleng piratahin mula sa ibang himpilan.
Ayon pa sa aking spotter, seryoso si dating Sen. Villar na makipagsabayan sa malalaking TV at radio station.
Kamakailan lang ay nabili rin niya ang isang FM radio station dito sa Metro Manila na nagkakahalaga ng daang milyong piso.
Kunsabagay ay kilalang seryoso sa pagppatakbo ng negosyo si Villar at hindi siya papayag na maging white elephant lamang alinman sa mga business interest na kanyang pinapasukan.
Sa mga susunod na linggo ay marami ang tiyak ang madadagdag sa mga personalidad na sisiksik sa inaantabayanang pagsibol ng isa pang malaking broadcasting network sa bansa.
Abangan ang mga susunod na kabanata.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]