Uy, Razon, DOE at Malampaya

MATUTO na tayo sa mga nagdaang pagkakamali.

Lalo na sa government decisions na may national impact tulad ng Malampaya Natural Gas project na nagsu-supply ng one-fifth ng energy needs ng Pilipinas.

Sa Duterte administration, pinayagan ni ex-Energy Secretary Alfonso Cusi na bilhin ng Duterte crony na si Dennis Uy, ang 45% shares ng Chevron Malampaya LLC, subsidiary ng Chevron Philippines sa natural gas field. Nagkakahalaga yan ng $565 million.

Pumirma ang Udenna Corporation Malampaya Philippines Pte Ltd na pag-aari ni Duterte campaign donor na si Uy, ng sale at purchase agreement para bilhin ang lahat ng shares na ito noong October 25, 2019.

Pagdating ng May 20, 2021, inanunsyo ng Shell Petroleum NV na pumirma sila ng kasunduan sa Udenna Malampaya Energy na bibilhin ang kanilang 45% shares na nagkakahalaga ng tumataginting na $460 million.

Sa kabuuang 90% shares ni Uy sa Malampaya, kontrolado na niya ang gas field at ang natitirang 10% ay sa Philippine National Oil Company – Exploration Company (PNOC-EC).

Ang dating e sobra-sobrang dami ng pera ni Uy at nabili ang shares ng dalawang oil empires sa buong mundo.

Pero kinasuhan sina Cusi, Uy at iba pang opisyal ng corruption case sa Ombudsman noong October 18, 2021.

Paniwala nina geologist D.B. Domingo, Rodel Rodis at Loida Nicolas Lewis, dehado ang gobyerno at taumbayan sa deal na binigyan ng mga di nararapat na benepisyo si Uy at labag sa Republic Act 3019, Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

At nung December 15, 2021, sa senate hearing na ipinatawag ni Energy Committee Chair Sherwin Gatchalian, sinabi ni PNOC-EC Chair Rozzano Briguez na binawi na nila ang consent sa bentahan ng Udenna at Shell.

Walang technical expertise o karanasan sina Uy sa natural gas field. Ang meron sila ay pagtitinda ng tingi-tinging gasoline sa mga motorist na binebente ng kanilang Phoenix Petroleum.

Yabang nina Uy, may financial capability siya, kaya pala, nito lang July 29, dahil pinigilan ng PNOC-EC ang deal niya sa Shell, ibinenta na niya ang shares kay ports at casino magnate Enrique Razon.

Pumirma ang Prime Infrastructure Capital ni Razon na bibilhin nito ang MEXP Holdings na pagmamay-ari ng Udenna ni Uy.

Si Razon ay nasa sirkulo rin ng mga tycoon na malapit kay Marcos Jr., na isa rin sa sumusuporta sa National Unity Party.

Anyways, normal naman sa big businesses na tumataya sa national candidates para pangalagaan ang mga pansariling interes.

Ang problema, tulad ni Dennis Uy, wala ring experience at technical expertise sa natural gas project si Razon.

Noong February 2019, binigyan si Razon ng 25-year franchise para mag-distribute ng kuryente sa Iloilo kapalit ng Panay Electric Co., Inc (PECO).

Nabalitaan nyo naman na lubog pala sa mga utang na hindi nababayaran sa bangko si Dennis Uy.

Buti na lang nasalo ng isang subsidiary ni Uy ang muntik nang ma-default na $4M nung isang buwan.

Sigurado alam nina Razon na iba ang power distribution sa natural gas field operations.

Isang grupo naman ng citizens ang nagprotesta sa Razon-Uy deal na binigyan ng consent ng PNOC-EC, eto na naman siya.

Pinupush ng National Youth Movement for West Philippine Sea na pinangungunahan ng Founder at Global Chairperson Dra. Celia Lamkin na wag bigyan ng PNOC-EC ng consent ang Prima Infra ni Razon na bilhin ang shares ni Uy.

Batay sa mandato ng Presidential Decree 87 ng 1972 ng diktador na si Marcos na protektahan ang Philippine petroleum resources mula sa mga tao o grupo na service contractor na hindi naman qualified.

Para mag-qualify, kailangan may financial at technical capabalities ang sinumang service contractor.

Malaking kalokohan na ipagkatiwala ang Malampaya sa mga hindi qualified. Kahit sino, iisipin na malaki ang lagayan na nangyari riyan pag itinuloy ang usapan.

Inilalagay nila sa malaking peligro ang energy security ng Pilipinas.

Giit ng NYMWPS at mga petitioner – dapat PNOC-EC ang tumangan at humawak ng Malampaya para sa pakinabang ng mga Pilipino imbes pribadong kumpanya ni Razon. Mas mas hamak na malawak at malalim ang karanasan at expertise ng PNOC-EC sa energy exploration, drilling at operations.

Sa kabuuan, dapat nga ang mga strategic industries sa Pilipinas na nagseserbisyo sa pinakamaraming Pilipinong mahihirap tulad ng power o energy, food, drugs, minerals, telecommunications at iba pa ay dapat hawak ng gobyerno para tiyakin din na mas mura ang mga yan at merong sustainability.

Ilan sa petitioners sina dating Agriculture Undersecretary Segfredo Serrano, California-based aeronautical engineer Rad Abarrientos, retired Ambassadors Victoria Bataclan at Bayani Mangibin, former Commodore Fortunato Sagudo Jr., Tanghalang Pilipino Artistic Director Nanding Josef, Scarborough Shoal Fishermen Leader from Masinloc Leonardo Cuaresma, Museo Pambata Find Inc Chair Dr. Cristina Yuson, columnist Nora Gamolo, Kalayaan Municipality Sangguniang Bayan Member MP Albayda, San Pablo, Laguna Parish Priest Jerry Bitoon, NYMWPS San Juan Metro Manila Chapter Alphonse Vita, ako at marami pang iba.

Akala ko ba kaya nandaya at namili ng mga boto si Marcos Jr. para makabalik sa Palasyo ay para linisin ang pangalan ni Marcos Sr.?

Ganun ba kasimple maglinis ng pangalan na kinamuhian ng buong mundo dahil sa record-breaking plunder ng isang pinuno ng bansa, berdugo ng mga “salvaging” (extrajudicial killings) at massacres (Jabidah, Daet, Escalante, Sag-od, Pata Island, etc) at iba pang karumal-dumal na human rights violations at highest inflation rate sa kasaysayan ng Pilipinas na 60,80 nung September, 1984.

Habang umaandar ang panahon, sinusundan ni junior ang yapak ni senior tulad ng pagbuhay ng Bataan Nuclear Power Plant at calibrated foreign policy na tinitimbang ang pakinabang sa superpowers US at China.

Maaalalang si Marcos Sr. ang pormal na nagbukas ng bilateral relations sa China nang bumisita ang first family sa Beijing nung 1975.

Wag kami.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]