Usapang Bar Exam

SA mga nasa legal profession, ang buwan ng Setyembre ang pinaka-exciting na buwan ng taon. Bar season ito. Panahon ng bar-ops kaya ito rin ang pagkakataon na makasama muli ang mga kapatid sa law fraternity.

Ito ang panahon na higit kailanpaman ay makikita ang suporta ng bawat magkakapamilya  para sa pangarap ng anak, kapatid, asawa, kaibigan…

Sinulat ko noong 2021 ang pagkabigo ng aking  anak na makakuha ng bar examinations dahil nag-positive siya sa Covid. Sa artikulong may pamagat na “Life Interrupted” FWIW , February 8, 2022, inilarawan ko ang nakakapanlumong sinapit niya matapos ipagkait sa kanya ang pribilehiyong makakuha ng pagsusulit.

Read more here: https://pinoypubliko.com/commentary/life-interrupted/

Siya at ang kanyang girlfriend at bar buddy ay hindi pinayagang makakuha ng sinasabing pinakamahirap na pagsusulit sa buong bansa na tanging Supreme Court ang nagbibigay. 

Inuulit ko, bar exam at hindi board exam. Marami pa rin kasi ang naguguluhan sa pagkakaiba ng dalawang pagsusulit. Supreme Court at hindi PRC ang nangangasiwa  dito. May Honor Code na kailangang pirmahan bago ang pagususulit na ito. 

Dumaan sa depresyon ang aking anak. Na kanya rin namang napaglabanan at noong 2022 ay maluwag na napagbigyan  na siya ng SC na  kumuha  sa unang pagkakataon ng naturang pagsusulit.

Dahil buong puso niya itong pinaghandaan,p agkatapos ng pagsusulit ay ramdam niya na natupad na ang kanyang pangarap.

Noong tinanong ko siya pagkatapos ng bar exams, ang mga salita niya ay ganito: “ Sinisiguro kong hindi na uli ako babalik  Ma. Kung papalarain sa top ten, salamat, Pero kung hindi, sigurado akong una at huling pagsusulit ko ito.”

Muntik ko na siyang mabatukan sa mga sinabi niya. Napausal ako ng taimtim na dalangin at sinabing, “Diyos ko, kung mayabang ang anak ko, ako na po ang humihingi ng paumanhin.”

At noong sinita ko na siya dahil di ko matiis ang “kayabangan”, ang sagot niya: “Ma, hindi ito kayabangan. Pinaghihirapan ko ito.”

Wala siyang ipinakitang kaba habang inaantay ang resulta ng bar exams. Ako ang kabang-kaba para sa kanya. Naiisip ko na maraming magagaling na bumabagsak sa bar. Naiisip ko ang madalas sabihin ng mga preacher kong kaibigan na “ang mataas ay ibinababa at ang nasa ibaba ay itinataas.” Lagi-lagi, naninikluhod ako sa Panginoon na patawarin ang anak ko kung mayroon siyang pagmamalabis at ibigay sa kanya ang pangarap na maging abogado.

At nang  dumating ang takdang araw, isang matipid na  text message ang ipinadala niya sa akin. “I made it Ma.:”  

Ang damuho! Ni hindi ako nagawang tawagan para ibalita ang kanyang tagumpay. Idinaan lang sa isang text message na parang ordinaryong kaganapan habang ang buong bansa ay nasa state of euphoria!

Hindi siya nakasali sa top ten, though. Kahit sa top 30. Subalit ang mga grado sa indibidwal na subject ay nasa line of 8 at 7. Ang general average, malapit- lapit din sa nasa top ten to 20.  Still an achievement. Madalas, pumasang-awa ka lang sa bar, saradong 75%, parang nanalo ka na ng lotto. Ang totoo, hindi na mahalaga kung pasang-awa dahil ang titulo ay pareho lang din naman. Culmination ng ilang taong hirap. Sabi pa ng iba, pwede ng mamatay kapag nangyari ito. Ganun katindi ang halaga ng pagpasa sa bar exam!

At ganun nga, isa na siyang abogado ngayon at gumagampan ng trabaho bilang public attorney.

Kapag tinatanong ko siya kung masaya ba siya sa kanyang ginagawa o kung siya ay hindi ba nahihirapan dahil sa apat na araw na hearing kada linggo at mga tatlo hanggang 6 na kaso kada araw ang kailangan niyang isagawa (minsan ay 10 pa), dumadaing siya ng pagod at stress.

Subalit sa kabuuan aniya, ay may saya sa puso lalo na kung nakikita niyang sapat ang naibigay niyang serbisyosa mga taong dumudulog sa kanyang opisina. Hindi nababayaran ng salapi aniya ang makitang may makakatulog sa gabi ng mahimbing, may hindi mapagkakaitan ng kabuhayan o masisilungan, may masasalba mula sa pagkakakulong dahil sa kanya.

Wala siyang reklamo sa pagharap sa korte, ini-enjoy niya ang bawat pandinig. Ang latagan ng argumento ay nagpapasigla sa kanyang dugo at buong kalamnan. Ni hindi siya na- iintimidate sa higit na mas matataas ang posisyon sa hudikatura. “I fit in,” lagi niyang paniniguro sa akin. “This is my world.”

Sa katatapos na unang linggo ng pagsusulit sa bar exam sa ilalim ni Justice Ramon Paul Hernando bilang chairperson ngayong taon, marami ang nagsabing nahirapan sila sa mga tanong. Para sa mga beterano, wala naman talagang bar exam na hindi mahirap ang tanong. Given  siguro na medyo “magaan” ang bar 2021 dahil sa konsiderasyon dala ng Covid-19. Subalit sa sumunod uling mga pagsusulit (2022) ibinalik ang matinding hapon to test the grit ‘ika nga, ng mga susuong sa bar exams.

Ngayong papasok na Linggo hanggang susunod pang linggo isasagawa ang pangalawa at pangatlong mga araw ng pagsusulit  sa labing-apat pang lokasyon o testing centers sa bansa. Inaasahang sa Disyembre lalabas ang resulta ng bar exams.

Sa nakita kong klase ng preparasyon ng aking anak sa kanyang bar exams noong nakaraang taon, alam kong walang hihigit sa taong  may sapat na kahandaan sa labanan. Gaya niya, alam mong nakamit mo na ang iyong pangarap kung armado ka. Be armed and dangerous, therefore. maging handa. Laging handa. Preparation beats intelligence. 

Sa mga  future lawyers, slay the bar dragon!