NAKALULUNGKOT ang nangyayari sa politika sa ating bansa.
Nagbabatuhan ng mababahong alegasyon ang dalawang pamilya na maituturing na traditional
politicians o tradpol kung tawagin.
Nito lang nakaraang weekend, inulit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang alegasyon na gumagamit
ng ipinagbabawal na gamot si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Junior. Tinawag niyang bangag si
Marcos, Junior.
Sinabi naman ni Marcos Junior na malamang ay naapektuhan ang pag-iisip ni Duterte dahil sa paggamit
nito ng fentanyl, isang malakas na uri ng pain reliever na di umano’y nakaka-addict.
Alam naman nating lahat na magulo ang mundo ng politika, saan mang parte ng mundo.
Pero, yung nangyayari ngayon sa ating bansa ay kasuklam-suklam.
Ang anak ni Duterte na si Sara ay parte ng Gabinete ni Marcos Junior bilang Department of Education
Secretary, bukod pa sa pagiging Bise Presidente nito.
Nagsama ang dalawang political families noong nakaraang May 2022 elections para sure win daw.
Tinawag na Uniteam ang kanilang tambalan.
Ngunit nasaan ang unity ng team nila ngayon?
Ayon sa kasabihan, “united we stand, divided we fall.”
Ito na ba simula ng downfall ng Uniteam? Mukhang divided na sila, aminin man nila o hindi. Halata
naman.
Matira matibay? Matira matibay ang sikmura sa dumi ng politika?
Ito ba ang Bagong Pilipinas?
Ano nga ba ang bago? Mayroon ba? Wala naman akong nakikita. Parang rebranding lang ng
kasalukuyang administrasyon para pagtakpan ang pagkukulang nito.
Para kasing kalokohan ang mga salitang “Bagong Pilipinas.”
Sabi ni Marcos Junior sa talumpati niya, “sa Bagong Pilipinas, bawal ang waldas.”
Di nga? Bakit milyon-milyong halaga ng pera nga taumbayan ang ginugol para sa launching lamang?
Hindi naming kailangan ang bagong Pilipinas.
Ang kailangan namin ay mga bagong lider na may tunay na malasakit sa taumbayan at sa bansa.
Mga lider na tunay na patriots, at hindi nagkukunwaring mahal ang ating bansa.
Mga lider na mapagkaka-isa ang taumbayan.
Darating kaya ang araw na iyon?
Sa lahat ng nangyayari, mahal pa rin ang isang kilo ng bigas.