UDM Annex sa Tondo itatayo, pero Mayor Honey di nangutang

PINATUNAYAN ni Manila Mayor Honey Lacuna na ang isang lokal na pamahalaan ay pupuwedeng makapagpatayo ng mga proyekto o infrastructure, gaya ng paaralan, nang hindi kinakailangang ilubog ang lungsod sa bilyon-bilyong pisong pagkakautang.

Ito ay nang pangunahan niya ang ginanap na groundbreaking ceremony kelan lang sa Vitas, Tondo, kung saan itatayo ang isang 10-story na school building na magsisilbing annex ng Universidad de Manila (UdM), isa sa dalawang pamantasan na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ng Maynila kung saan libre ang pag-aaral ng mga kabataan sa kolehiyo.

“Pupuwede naman palang di mangutang para makapagpatayo ng isang mataas na paaralang gusali.  Pupuwede palang lumapit lang sa isang kaibigan at manghingi, isang kaibigan na nagmamalasakit di lang sa kanyang distrito kundi sa buong Maynila,” ang mariing deklarasyon ni Lacuna.

Sapul dito si dating Mayor Isko Moreno na napag-alamang nag-iwan ng nakakalulang P17.8 bilyon na pagkakautang ng lungsod bago siya tumakbo at matalo noong 2022 presidential elections.

Labis-labis ang pasasalamat ni Lacuna, pati nina Vice Mayor Yul Servo at UdM President Dr. Felma Carlos-Tria, sa ibang klase ng pagmamalasakit na ipinamalas ni Manila Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano (2nd district), na kasama pa ang anak na si Chris sa nasabing groundbreaking ceremony. Naroon din sina second district Councilors ‘Dr. J’ Buenaventura, Macky Lacson, Uno Lim, Rod Lacsamana, Roma Robles at David Chua. 

Puring-puri nilang lahat si Congressman Valeriano dahil  talagang ‘tumawid’ ito dala ng malasakit sa Maynila. Paano? Eh kahit Congressman siya sa ikalawang distrito, tumulong pa rin ito na makapagpatayo ang administrasyon ni Mayor Honey ng paaralan sa unang distrito.  Bagamat parehong Tondo ang District 1 at District 2, magkaiba pa ring lugar ang dalawa at siyempre pa, magkaiba rin ang mga botante.

Kung tutuusin, walang botong pakikinabangan si Cong. Valeriano sa kanyang ginawa dahil ang Vitas ay nasa first district pero dahil daw sa pakiusap at paghingi ng tulong ni Mayor Honey ay ginawan niya ito paraan.  Inilapit umano niya ang proyekto kay House Speaker Martin Romualdez at di naman daw ito nag-atubiling tumulong kay Valeriano.

“Pupuwede rin pala. Kaya ako, di ako nahihiyang manghingi o lumapit sa mga taong alam kong makakatulong sa ating lungsod.  Di ko na pinabibigat pa ang obligasyon ng ng ating lungsod dahil alam ko meron pang ibang mapupuntahan ang mga pondong nasisinop natin,  napupunta sa allowance ng mga mag-aaral pero ang gusali, puwedeng-pwede naman palang ipanghingi. Maraming-maraming salamat, Congressman Valeriano,” sabi pa ni Mayor Honey.

Ikinatutuwa raw ni Mayor Honey na mas marami nang estudyanteng matatanggap ang UdM dahil nagdurugo umano ang puso niya sa tuwing nalalaman na may mga hindi natanggap dahil hindi umabot sa cut-off, dala nga sa limitadong kapasidad ng UdM.

Ipinagmalaki naman ni Dr. Tria kung gaano kasuwerte ang mga kabataan sa Maynila dahil bukod sa libreng edukasyon sa kolehiyo, meron pa silang buwanang allowance na tig-P1,000 at siyempre pa, de kalidad na edukasyon mula sa dalawang unibersidad na pinatatakbo ng Maynila, ang UdM at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila o PLM.

Pinasalamatan din ni Dr. Tria si Mayor Honey dahil sa buong suportang ibinibigay sa lahat daw ng kanyang programa, dahilan para maging matagumpay ang kanyang pangangasiwa sa UdM.

Magkakaroon nga pala ang itatayong UdM annex building ng 48 classrooms, 15 multi-function rooms, laboratory, multi-purpose hall at gym.

Sa kanyang mensahe ay ikinuwento ni Cong. Valeriano na siya ay tumalima lamang sa pakiusap at utos ng isang kaibigan at isang mayora, dahil alam niyang nakatali ang mga kamay nito at nahihirapang matupad ang mga pangarap na proyekto sa Maynila dahil nga sa P17.8 bilyong utang na pinamana ng administrasyon ni Moreno. 

Bukod kasi sa hindi ipinatigil at bagkus ay higit pang pinaganda ni Mayor Honey ang mga proyektong dahilan ng pagkakautang at naiwang nakabinbin lahat, binalikat din ni Mayor Honey ang obligasyong pagbabayad ng napakalaking utang na iniwan ni Moreno.

“Pareho ko na produkto ng isang public school,  pangarap ng mga batang Tondo na makapag-kolehiyo. Ang sabi ni mayora,  sana makapagpatayo tayo ng gusali pero sana walang utang,” ani Valeriano, kasabay ng  pagpapasalamat kina Mayor Honey at VM Yul dahil ipinagkatiwala sa kanya ang nasabing lote.

Kahit pa hindi sa mismong distrito niya maitatayo ang nasabing annex ng UdM ay ikinatutuwa rin daw ni Cong. Valeriano na meron na siyang maituturing na ‘legacy’, bagay na pangarap ng sinumang Congressman.

Si Valeriano nga pala ay tumatakbo para sa ikatlong termino sa ilalim ng Honey-Yul ticket. Natupad na raw niya ang kanyang pangarap, natupad pa niya ang pangarap din nina Mayor Honey, VM Yul at higit sa lahat, ng mga batang taga-Maynila na gustong makapag-aral nang kolehiyo nang libre.

Talagang masasabi na napakagandang ‘legacy’ ng proyektong ito dahil ito ang kauna-unahang school building sa Maynila na Congressman ang nagpatayo. Kadalasan, mga mayor lamang ang gumagawa ng ganito.

Sinabi ni Dr. Tria na ang kasalukuyang bilang na mahigit 10,000 mag-aaral sa UdM  ay talaga namang lagpas-lagpas na sa kapasidad ng UdM building malapit sa Manila City Hall, kaya naman inaabot ng gabi at hanggang weekends ang mga klase para lang ma-accomodate lahat ng estudyante. Karamihan sa mga mag-aaral ng UdM ay taga-Tondo kaya talagang maganda na doon itayo ang UdM annex building.

Napakapalad ng mga taga-Tondo dahil kapag natapos na ang annex ng UdM sa Vitas ay napakalapit na nito sa kanila at malaki ang kanilang matitipid sa pamasahe at oras. Malaking tulong  di lang sa mga estudyante kundi maging sa mga magulang. 

***

DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.