SA walang katapusang girian sa pagitan ng manggagawa at kapitalista, ang tanong: Posible ba talagang makumbinsi ang huli na magdagdag ng sahod at mga benepisyo upang sa wakas ay matuldukan ang hindi balanse at “profit oriented” na patakaran sa pagnenegosyo at maging kampante ang sektor ng manggagawa sa kani-kanilang trabaho?
Ngayong araw, Mayo Uno ay Araw ng Paggawa. Rituwal na ang mapusok na protesta sa lansangan ng mga manggagawa sa lahat ng sektor ng serbisyo at produksyon kada dumarating ang araw na ito.
Mayroon naman kasi talagang dapat tutulan at ipaglaban.
Sa gitna ng malupit na epekto ng implasyon, wala nang halaga ang kakarampot na minimum wage na nasa P306 (mga rehiyon) hanggang P570 (National Capital Region).
Sa pag-aaral ng Ibon Databank, kailangan ng bawat pamilya ang P842 hanggang P1,944 upang matugunan ang lahat ng gastos at manatili sa istandard ng pamumuhay na masasabing subsistence level.
Sa realidad at personal na karanasan, ang naturang halaga ay di pa rin sapat kung idaragdag ang tinatawag na variable expenses ng isang pamilya gaya ng monthly house amortization, renta, insurance, transportasyon, edukasyon at medical na mga pangangailangan.
Sa katunayan, ang halagang P842 hanggang P1,944 ay sapat lamang sa batayang mga pangangailangan gaya ng pagkain at pambayad sa utilities.
Si Danalyn, isang bagong tanggap na titser sa isang pribadong paaralan sa Rizal ay sumasahod lamang ng P8,000 kada buwan o P363. 63 kada araw. Para sa pamasahe niya kada araw na halos P50 balikan, at pagkain ng dalawang beses na umaabot sa P75 per meal, dalawang daan na agad ang kaltas sa kanyang kita. Ang totoong kita lamang niya na naiiwan ay nasa P163.63 kada araw.
Minsan ay napapailing na lamang siya at nagbibirong mamamasukan na bilang kasambahay dahil mas malaki pa umano halos ang kita ng kasambahay kaysa sa kanya na isang propesyonal. Inaalo na lamang niya ang sarili na kailangan niya ang naturang karanasan upang sa malapit na hinaharap ay makapag-apply na siya sa publikong paaralan kung saan di hamak na mas mataas ang suweldo. Sa ngayon, inuuna niyang makakuha ng pagsusulit upang magkaroon ng tsansang matanggap sa publikong paaralan.
Si Jericho, manggagawa sa BPO ay tumatanggap ng sahod na P14,000 kada buwan. Mas malaki kahit paano kaysa sa sahod ni Danalyn, subalit mas malaki rin ang peligro sa kanyang kalusugan ang panggabing iskedyul sa call center. Mas malaki rin ang gastos niya sa pamasahe simula nang i-require silang bumalik onsite dahil isa ito sa mga kondisyon ng pamahalaan upang bumalik ang sigla at magsimulang gumalaw ang nalugmok na pambansang ekonomiya. Sa halagang P14,000, halos hindi niya maitawid ang gastos ng pamilyang binubuhay niya. Katunayan, malayo pa ang suweldo ay naipangutang na niya ang susunod na sahod.
Living wage ang sigaw ng maraming manggagawa. Sahod na nakakabuhay. Sahod na matatawag na disente at hindi mapang-alipin. Sahod na pupuwedeng asahan at ipagmalaki. Sahod na may kaunti sana man lang na maisusubi.
Kaya naman halagang P750 ang ipina-panawagang dagdag sa mga manggagawa upang makaagapay sa lumalalang epekto ng implasyon. Ayon sa sektor, bagamat kinikilala nilang ang ilang maliliit at tila pilit na dagdag- sahod ng nakaraan, hindi na makaagapay ang kakarampot na halagang ito dahil lalo pang bumigat ang buhay sa implasyon.
Balancing Interests
Samantala, sa panig ng mga negosyante, partikular sa mga small-scale to medium enterprises na nakikibaka rin upang matugunan ang regular na pasahod at maibigay ang tama at legal na benepisyo ng kanilang mga manggagawa, ipinanukala ang pagbibigay subsidy ng gobyerno sa mga negosyong ito upang makasunod sila sa patakaran ng dagdag- sahod.
Para sa ilang mambabatas na maka-manggagawa, ang dagdag sahod ay “long overdue.”
Paano nga ba babalansehin ang maselang gawain na pagbalanse sa interes ng paggawa at kapital? Tinaguriang nangungunang panlipunan at ekonomikong puwersa ang pribadong uring manggagawa samantalang ang kapital ay may di matatawarang papel sa pagpapalago ng pangkalahatang ekonomiya ng bansa.
Kung parehong mahalaga sa tinatawag na nation-building ang paggawa at kapital, paano itataguyod ang pagkakasundo ng dalawang panig kung may kanya-kanya silang interes na isinusulong? Nais ng manggagawa ng mas malaking kita; nais naman ng kapitalista ng mas malaking balik sa kanyang puhunan.
Sa ilalim ng Kodigo Sibil (Civil Code of the Philippines), isinasaad na kailangan ang kooperasyon at pagtutulungan ng dalawang panig. “Neither can one act oppressively against the other,” saad ng batas.
Panahon na marahil na tingnan ng bawat isa na ang manggagawa at kapitalista ay hindi mortal na magkaaway: sila ay magkasangga para labanan ang lumalalang kahirapan at itaguyod ang pagkakaroon ng mas maraming hanapbuhay at resonableng sahod na hindi magpapadugo sa bulsa ng kapital at hindi rin mang-aalipin sa nagsisikap na obrero.