Tropang Mandaragit

World infamous na naman si Pangulong Rodrigo Duterte.

Nitong Lunes, July 5, nabulabog at kinabog na naman ang Malacañang sa balitang pasok si PDuts sa listahan ng Paris-based global watchdog, Reporters Without Borders – Predators of Press Freedom.

In short, mga mandaragit ng malayang pamamahayag na nagsisiga-sigaan sa buong mundo.

Welcome to the club Duterte.

Ikaw na!

Iisa ang karumal-dumal na budhi at gawain nitong 37 pinuno ng mga bansa – supilin ang press freedom sa iba-ibang porma at paraan.

Ka-rubbing elbow lang naman niya ngayon sa rogue’s gallery o hilera ng mga kriminal ang mga diktador na sina Kim Jong Un (North Korea), Vladimir Putin (Russia) at Bashar Assad (Syria). Lol!

Papahuli ba ang kabeso-beso niyang si Xi Jinping ng China?

Kasama sa pinakabagong myembro sina Mohammed bin Salman ng Saudi Arabia, ang tuta ng China na si Carrie Lam at Bangladesh Prime Minister Sheikh Hasina.

Pasok din ang Asean neighbors na sina Lee Hsien Loong ng Singapore, Min Aung Hlaing ng Myanmar, Nguyen Phu Trong ng Vietnam at Prayut Chan-O-Chan ng Thailand. Complete the cast.

Mantakin mo naman ‘to:

Sa pinagsamang datos ng National Union of Journalists of the Philippines at Center for Media Freedom and Responsibility hanggang nitong Mayo, sinisisi ang kasalukuyang administrasyon sa 171 sa 223 pag-atake at banta sa mamamahayag mula nang maupo sa pwesto si Duterte noong 2016.

Sa tala ng NUJP, 19 journalists ang pinatay at 37 ang idinemanda ng libel.

Pinakamalaki at pinakamalalim na blackeye sa press freedom ang pagpapasara sa ABS-CBN, pinakamalaking media network sa buong Pilipinas.

Milyon-milyon ang pinagkaitan ng mga balita, impormasyon at entertainment.

Libo-libo ang nawalan ng trabaho na hanggang noong nakaraang mga buwan, apat na programa pa ang tinanggal sa ere.

Bago yan, kinansela ang registration ng Rappler online news at kinasuhan at pinakulong ang CEO nito na si Maria Ressa.

Ni-red tag o inaakusahang komunista ang mga indibidwal at grupong kritikal kay PDuts at kanyang mga kampon.

Paboritong targetin ng Distributed Denial of Service (DDoS) attacks ang websites ng alternative media gaya ng Bulatlat.com at media organizations tulad ng NUJP para masabotahe at hindi mabasa ng taumbayan ang mga content.

Araw-araw, tino-troll ng Duterte loyalists ang social media accounts at sites ng news media at journalists na bumabatikos sa gobyerno.

Hanggang noong December 2020, pangatlo ang Pilipinas sa deadliest country para sa working journalists ayon yan sa pagsusuri ng New York-based media watchdog na Committee to Protect Journalists.

Nangunguna ang Mexico, sinundan ng Syria at Afghanistan na tie sa second place.

Saan ka pa?

Tirador lang ang katapat ni Duterte.

Pictures from Reporters without Borders