Tropang Leonardo Street

NINETEEN SEVENTY-TWO, hindi pa ako nag-aaral, nakatira kami noon sa Pasay City nang ideklara ang martial law.

Ang alam ko lang, ang martial law ay curfew, at bawal ang long hair sa mga lalaki. Kaya laging nag-aalala noon ang nanay ko sa kuya kong 17-anyos. Iyon ang panahon ng long hair, trubenized jersey, at bell bottom pants — na paboritong porma ng kuya ko.

Pero mula nang mag-martial law, tuwing nakikita ng nanay ko na kumakapal ang buhok ng kuya ko, ginugupitan na niya agad. Walang magawa ang kuya ko kundi magmaktol, kasi ayaw naman niyang magpagupit sa mga barbero, nagmumukha raw siyang boy scout.

Sa edad kong 6, hindi ko talaga mawawaan ang ibig sabihin ng martial Law, kasi hindi gaya sa kuya ko na pinagbabawalan nang lumabas sa gabi, kami naman ng ate ko, tuwing matapos ang tanghalian ay nakagagala pa kasama ang mga batang-Leonardo street.

Pagkatapos ng tanghalian at kapag nahugasan na ang mga pinagkainan, ang susunod na seremonya ay alam n’yo na — matulog sa tanghali.

At gaya sa isang pangkaraniwang bata, parusa ang matulog sa tanghali. Kaya kapag nakatulog na si nanay, pupuslit na kami ng ate ko.

Daratnan na namin sa labas ang tropang Leonardo St., si Odette, kaedad ko, at ang kuya niyang si Virgilio, si Pepe, babae siya pero mukhang lalaki, siya ang pinakamatanda sa tropa, at dalawa pang batang lalaki na hindi ko na matandaan ang pangalan.

Kami ang mga batang-Leonardo St., na ang lamyerdahan ay sa Natividad St. Doon kami nang-uumit ng ibinibilad na tsitsarong kropek (lapad at bilog). Nakalatag ang mga hilaw na tsitsaron sa malapad na sawali. Kapag hindi nakatingin ang bantay, ‘pipitikin’ namin ang mga nasa gilid. Kapag nakapitik na lahat, saka kakaripas ng takbong pauwi sa bahay, habang hinahabol ng mura ng tagabantay. Pag-uwi sa bahay kanya-kanyang luto para iulam sa bahaw o tirang kanin, na pinatuluan ng mantikang pinaglutuan ng tsitsaron — ‘yun ang meryenda namin.

Hindi naman namin madalas ginagawa ang pang-uumit, siyempre ninenerbiyos rin kami lalo na kapag nakita naming may ibang tropang nauna sa amin. Tuluyang natigil ang pang-uumit namin ng tsitsaron noong ipahabol kami sa tatlong malalaking asong doberman. Para kaming humaginit na palaso ng pana, sa tulin ng pagtakbo hanggang makarating sa Leonardo St. Hingal na hingal kaming nagtawanan, pero bigong umuwi dahil walang naumit na tsitsaron. Simula noon, no tsitsaron adventure na.

Hindi lang naman tsitsaron ang pinupuntahan namin sa Natividad St., minsan nag-aabang kami ng mga reject na wood carvings sa isang pabrika roon. Nakatambak sa labas ng pabrika ang iba’t ibang kahoy at reject na produkto. Tuwang-tuwa ang nanay ko kapag may uwi kaming mangkok na kahoy o bahugan (platera) ng kanin. At malilimutan na niyang sitahin kami ng ate ko kung bakit kami tumakas sa pagtulog sa tanghali.

May pagkakataon na binabaybay namin ang kahabaan ng mga kalyeng P. Burgos o kaya ay P. Zamora, minsan nga, umabot pa kami sa Donada. Maraming bahay-Kastila noong araw sa mga kalyeng iyon. Madalas inilalabas nila ang mga luma at sirang laruan, ‘yun ang pinaghahati-hatian namin ng tropang Leonardo St.

Inisip ko noon, mababait ang mga taong nakatira sa malalaking bahay, kasi hindi nila inihahalo sa maruming basura ang mga laruan.

Bago mag-alas kuwatro ng hapon, dapat umuwi na kami, dahil hinahanap na kami ng mga magulang namin. Malalaman lang nila na naglamyerda na naman kami dahil may bitbit kaming kung ano-ano.

Pagkatapos maglinis ng katawan, bawal nang lumabas, darating na kasi si erpat. Walang sumbungan siyempre kahit napagalitan na kami ni nanay.

Kapag mag-aalas-otso na ng gabi, sasabihin ng tatay ko, “Matulog na tayo, magka-curfew na. O Santiago (tawag niya sa kuya ko), ‘wag ka na lalabas.”

Kami naman ng ate ko habang nagpapaantok ay makikinig sa radyo ng “Gabi ng Lagim.” Iyon ang hilig ng ate ko kaya natatakot man ako at nagtatalukbong ng kumot, wala akong magawa, hindi puwedeng patayin ang radyo.

Sa totoo lang, iyon ang larawan sa akin ng martial law noong bata pa ako. ‘Yung mga nakatatakot na kuwento ng lagim, at kababalaghan. Siguro ganoon ang nasa isip ko kasi nga alas-otso ang curfew at ganoong oras din nagsisimula ang “Gabi ng Lagim.”

Naalala ko noon, pagtunog ng serena, eere na rin ang “Gabi ng Lagim.”

At sasabihin ng tatay ko, “Hala matulog na.”

Paglaon, magkakaroon ako ng kaalaman at karanasan na ang martial law ay hindi lang isang gabi ng lagim kundi ilang dekada ng kahindik-hindik na lagim.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]