Troll farm usong-uso ngayong eleksyon

SA mga nagdaang eleksyon ay malaking papel ang ginampanan ng mga “trolls” sa political system ng bansa.

Kamakailan ay naka-kwentuhan ko habang nagkakape sa aming lalawigan ang isang operator ng tinatawag na troll farm.

Sangkatutak na fake social media accounts ang kanyang hawak maliban pa sa kanyang mga tauhan na ngayon ay abalang-abala sa kanilang “virtual industry”.

Noong araw ay nagsimula ang operator na ito na itatago ko na lamang sa pangalang “Bruno” bilang public relation man ng isang medyo laos na ring mambabatas ngayon.

Mula sa pagiging propagandista ay pinasok na rin niya ang pagiging troll kung saan bahagi ng kanyang trabaho ang magpakalat ng fake news at manira ng ilang kandidato.

Malaki ang pondong umiikot sa industriyang ito at ayon kay Bruno binabayaran niya ng mula P10,000 hanggang P20,000 ang mga hawak niyang troll.

Ang hindi alam ni Bruno ay alam ko na P25,000 ang hinihingi niyang pondo sa kanyang mga kliyente sa kada troll na may malaking bilang ng followers, hawak na social media accounts at matinding impluwensya sa online community.

In short, doble ang kita ni Bruno dahil bukod sa kanyang talent fee bilang troll farm manager ay binubukulan o binabawasan pa niya ang kita ng mga hawak niyang troll.

Wala ring kaalam-alam ang kanyang mga kliyente na patawid-tawid lamang ng kampo ang grupo ni Bruno kung saan mas malaki ang kanilang kinikita.

Ibinida rin niya sa akin na dumating pa nga ang pagkakataon na dalawang magkalabang local politician ang pareho niyang kliyente at walang kaalam-alam ang mga ito na pinaglalaban lang sila sa social media ng iisang tagakumpas.

Binabanggit ko ang mga bagay na ito para tayo ay mas maging mulat sa mga isyu lalo na sa larangan ng pulitika.

Hindi natin kailangang mag-away dahil lamang sa ambisyon ng iilan.

Tingnan ninyong maige, maraming mga pulitiko ngayon ang nasa iisang partido samantalang dati ay magkakalaban ang mga ito.

Ganun rin naman ang mga nagsusumbatan ngayon na dating magkakasama sa iisang tribo.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]