HINDI pa man sumisikat, laos na ang bagong tourism slogan, “Love the Philippines”.
Binawi na ng tourism department ang campaign video at pinull-out sa YouTube at sa kanilang official Facebook Page.
Sa simula pa lang kasi inulan na ng bash ang formulation – para raw nagko-command o nag-uutos na mahalin ang Pilipinas.
Pero ang totoong pasabog – nagpo-promote ng turismo ng Pilipinas pero sa video, nadiskubreng ang ipino-promote ay rice terraces ng Indonesia, sand dunes ng United Arab Emirates at airport runway ng Switzerland. Lol!
Inamin ng DDB Philippines ang pagkakamali at nag-apologize.
Ipinagtapat din nila na sila at hindi DOT, ang gumastos sa pag-develop hanģgang execution ng konsepto.
Sinabi ng DOT na ite-terminate na nila ang kontrata sa DDB at niimbestigahan ang kapalpakang nangyari.
Pero may kumakalat na posts at usap-usapan sa social media:
Una, meron daw talagang comma sa pagitan ng “Love’” at “ the Philippines” kaya dapat daw “Love, the Philippines” pero, tinanggal daw ng DOT.
Pangalawa nakialam daw ang creative director na si Paul Soriano sa video presentation – nag-shoot at nag-video edit nang wala ang DDB.
Si Direk Paul daw ang dapat sisihin sa ginamit na foreign video at siyang dapat managot.
Wala naman daw magawa ang DDB kundi i-align ang press statement sa kagustuhan ng DOT.
Ayon sa Bilyonaryo.com dati nang nagdidirek si Soriano para sa DDB.
Si Soriano pa raw ang nagdepensa sa tagline “We give the world our best” na ginawa rin ng DDB.
Bukas ang column na ito kay Direk Paul, Creative Communications Group ng Palasyo at DOT para pasinungalingan kung hindi totoo ang mga paratang na yan at magpaliwanag kung involved nga si Direk Paul.
Gayunman, dapat pa ring humingi ng dispensa ang DOT na principal sa nangyaring blunder dahil ito naman ang nagpagawa at nakipag-collaborate.
Hindi lang ngayon naging kontrobersyal ang promotion strategy, slogans at video ng tourism department.
Noong 1976, maski martial law na at maraming pinapa-“salvage” (EJK) at human rights violations ang dictatorship ng namatay na si Marcos Sr., nakuha pa nilang maglabas ng tourism manual para ibenta ang Pilipinas sa buong mundo.
Hango raw ito sa sinabi ni dating First Lady Imelda Marcos.
Sa tourism peg na ang Pilipinas is “Where Asia Wears A Smile”, pilit na pinangingiti ang Pilipinas kahit maraming naghihirap at inaabuso ng military rule.
Ayun imbes nakangiti, e nakangiwi ang naging dating ng kampanya.
Pag-upo ni Tita President Cory Aquino na tumulong buwagin ang diktadurya ni Marcos at ibalik ang demokrasya, pinasaya ang treatment.
Naglabas pa si Aquino ng presidential proclamation na nagdeklara sa 1989 bilang Philippine Fiesta year dahil makatutulong daw ito sa tourism promotion.
Bagaman dapat lang i-celebrate ang pagbabalik ng demokrasya, nagpiyesta naman ng kudeta sa panunungkulan ni Cory at hindi naman siya masisisi.
Walang kasele-celebrate dun except binigo ng Cory admin ang coup plotters.
Kung meron mang masasabing bumenta na tourism slogan, yan ang “Wow Philippines” nung 2002 na binuo ni dating Tourism Secretary Dick Gordon.
Partida, walang budget sa pag-imbento ng concept na yan.
Ang “Wow” ayon kay Gordon, stands for “Wealth of Wonders” at iba pa.
Katunayan nanalo ang slogan bilang Best Marketing Effort 2002 at Internationale Tourismus Bourse, 2003.
Hindi nga lang daw maintindihan yan sa ibang tourism markets, tulad sa US at Japan, kaya binitiwan nila dating Undersecretary Vicente Romano III.
Kung meron mang big-budgeted tourism campaign slogan, yan ang P200 million “Pilipinas Kay Ganda” na ni-launch 2010 nina Alberto Lim, tourism secretary noon.
Pero mali raw ang grammar at ang mas totoo, hindi yan pumatok sa market na mga bansa.
Gumastos ng malaki pero lugi.
Ang pinakamalala, ang campaign logo raw nito ay ginaya o plagiarized sa tourism campaign noon ng Poland, ang “Polska”.
Tapos highlight ng kwento sa loob ng presentation ang tarsier na dinescribe bilang marsupial na endemic o matatagpuan lang sa Pilipinas.
Pero hindi marsupial ang tarsier, isa itong primate.
Dahil sa mga kapalpakan na ito, ang “Pilipinas Kay Ganda”, nagmukhang “Pilipinas Kay Panget”.
Bandang huli, inamin ni Lim na ni-rush ang kampanya.
Meron pang ibang slogans pero isa sa pumatok at sobra ring kinontra ang “It’s More Fun in the Philippines” nung 2012.
Pinakamalaking dagok din dyan ay hindi rin siya original at ginaya raw ang 1951 ad ng Swiss National Tourist Office, ang “It’s more fun in Switzerland!”
Shit happens talaga.
Tulad sa “Pilipinas Kay Ganda” at “It’s more fun in the Philippines”, ang “Love the Philippines” ay advertising disasters na nakasira sa imahe at credibility ng Pilipinas, Tourism department at advertising industry.
Hindi madaling magbuo ng promotional slogan kaya may mga pagkakataon na ipinauubaya na ito ng malalaking negosyo at gobyerno sa mga sinasabing expert – advertising, marketing, public relations people.
Alam ko yan dahil may tatlo o apat na advertising campaigns na masusi at metikoloso naming binubusisi mula campaign lines, video production at ba pang elements. From start to finish yan.
Achieve na achieve naman dahil nanalo ang mga ito sa advertising award-giving bodies.
Importante pa rin na matyaga itong inuupuan ng ad firm at kliyente at hindi lang basta ipinauubaya sa ad creators.
Kung ako sa DOT, magpa-slogan writing contest ako, nakatulong at nakapagpasaya pa ng kapamilya.
Contest sa paggawa ng two o three-word tourism slogan na maangas ang dating at catchy o malakas ang recall at swak sa layunin ng DOT.
Sigurado, sa galing at likot ng imagination ng mga Pinoy, matatambakan ang DOT ng mga original at creative branding ng Pilipinas.
Importante, may pagkilala ang DDB at DOT sa kanilang pagkakamali, humango ng aral sa karanasan at moving forward, alagaan pa ang turismo ng Pilipinas dahil maraming trabaho ang ibinibigay nito.