Nais dinggin ng International Criminal Court ang pananaw, pagtingin, alalahanin, at inaasahan ng mga biktima’t kaanak ng mga pinaslang, tinokhang o in-EJK ng “giyerang” kontra-sibilyan nina Duterte.
Gusto ba nilang imbestigahan ni ICC Chief Prosecutor Karim Khan ang isinagawang pamamaslang ni Duterte na siya umanong nagpasimuno ng di-makatarungang pag-atake at pagpatay ng libo-libong mamamayan?
Bakit?
Mailalahad at maipaaalam nila ang kanilang mga dahilan sa Pre-Trial Chamber ng ICC kung bakit nararapat tuluyang imbestigahan sina Duterte.
Ayon sa artikulo 15(3) ng Rome Statute of the ICC, karapatan ng mga biktimang iprisinta ang kanilang pananaw, alalahanin, at inaasahan sa PTC.
Kasama sa procedure ng ICC ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga biktima at saksi na ilahad sa PTC ang kanilang pagtingin, alalahanin, at inaasahan kaugnay ng hinihinging pahintulot ng ICC Chief Prosecutor para imbestigahan ang naturang mga krimen laban sa sangkatauhan.
Magagawa nila ito sa sandaling humiling ang ICC Chief Prosecutor ng kapangyarihang imbestigahan ang sitwasyong kaugnay ng mga krimeng pinarurusahan ng Rome Statute.
Dumulog na si dating ICC Chief Prosecutor Fatou Bensouda sa PTC noon pang 24 Mayo 2021, upang pahintulutan ang ICC Office of the Prosecutor na imbestigahan ang crimes against humanity of murder, torture, and other inhumane acts laban kina Duterte.
Ito’y simula 1 Nobyembre 2011 hanggang 16 Marso 2019, kung kailan may bisa ang Rome Statute sa lahat ng mamamayang Pilipino at teritoryong saklaw ng Pilipinas.
Kailangang lumapit ng mga kaanak o mismong mga biktima ng kontra-sibilyang “digmaang kontra-droga” nina Duterte sa ICC Victims Participation and Reparations Section (VPRS) para sa sariling nilang representasyon bilang biktima o kaanak ng tinokhang o in-EJK.
Sa gayon, maririnig ng Pre-Trial Chamber ang kanilang tinig kaugnay ng imbestigasyon hinggil sa programang Tokhang at Double Barrel ng PNP na ikinasawi ng libo-libong maralita.
Official forms
Magagawa nila ito nang ginagamit ang forms na nagmula mismo sa ICC Registry.
Maaari nilang ipabatid ang kanilang saloobin at naisin kaugnay ng kahilingan ng ICC Chief Prosecutor na imbestigahan sina Duterte.
Maipaliliwanag nila ang kanilang kagustuhan nang ginagamit ang official forms na inapbrubahan ng Pre-Trial Chamber I.
Mada-download ang official forms na nasusulat sa English, Visayan/Cebuano, at Filipino mula sa webpage na ito:
victims-info-page
Narito ang Filipino version:
Mahalagang basahing mabuti ng mga saksi at biktima ang nilalaman ng form.
Kailangan nilang idetalye ang naganap sa kanila at/o sa kanilang kaanak na tinokhang o ini-EJK.
Maipababatid din nila sa PTC kung ano ang tinamo nilang perwisyo o pinsalang dulot ng “digmaang kontra-droga”.
Deadline
Nagbigay lamang ng taning na hanggang 13 Agosto 2021 ang PTC, na nakabase sa Netherlands.
Di maaaring lumampas pa sa petsang ito ang pagsusumite ng kanilang nais ilahad at ipagbigay-alam sa Pre-Trial Chamber kaugnay ng hinihinging imbestigasyon.
Magagawa nila ito sa pamamagitan ng Internet, email, o selyadong liham.
Wala po itong bayad.
Lingkod-bayan
Kung kailangan po ninyo ng tulong sa pag-fill up at pagpapadala ng form sa VPRS, mag-email lamang po kayo, sa lalong madaling panahon, sa inyong lingkod:
victims-info-page
The International Criminal Court (ICC) investigates and, where warranted, tries individuals charged with the gra…
Perfecto Caparas
Attorney & Counsellor at Law
[email protected]
Handa po tayong tumulong nang walang bayad.
At tungkulin din po nating panatilihing confidential ang inyong pagkakakilanlan at impormasyon.