The (Ukraine, Russia) war is on us

TWO days ago, habang pinapanood ko ang isang online selling ng diamonds at gold, nagbiro ang host tungkol sa krisis sa Ukraine. Agad akong nag switch off ng pinapanood. Mass slaughter and worldwide destruction are no laughing matter. How can she be amused by large-scale bloodshed?

Lumabas ako ng bahay para bumili ng siling Americano at patatas na pansahog sa aking adobo at na-overheard ko ang kamustahan ng dalawang lalaki. “Pare, kamusta?” Sagot ng isa, “Okay lang pare, ikaw? Akala ko itinapon ka na sa Ukraine!” At sabay silang nagtawanan.

Seryoso? Ano ang nakakatawa kapag nababanggit ang Ukraine? May kaluluwa at konsensiya pa ba ang mga ito? O simpleng nasanay na lamang sa online bardagulan?

Kamakailan din, isang food blogger sa Malaysia ang pabirong nag-post na isasama niya ang Ukraine na petsa para sa kanyang World Tour. Pinutakti siya ng masasakit na komento online. Insensitive. Offensive. Unsympathetic. Paano ka nga naman makakapagbiro sa gitna ng pighati at kaguluhan?

Hindi ba sumasagi sa isipan ng mga ito na nasa bingit tayo ng pandaigdigang delubyo? And that the joke is on us dahil tayo ang makakaranas ng pangmatagalang epekto ng kaguluhan?

Aaminin ko, napupuyat ako sa pagbabantay ng kaganapan sa Ukraine. Naka-monitor din ako sa galaw ng stock market at oil price, testing ng nuclear weapons, pati na ang sitwasyon ng mga journalists na nagko-cover sa war zone.

Maganda ring narrative sa literature ang buhay at paninindigan ng mga major players sa pandaigdigang krisis na ito, particular ang president ng Ukraine na si Volodymyr Zelenskyy. Hindi rin dapat kaligtaan ang pagpupunyagi ng ordinaryong Ukrainians na walang pag-aatubiling nagbitbit ng armas para ipagtanggol ang pambansang soberenya. Sa aspetong iyan ay naging modelo sila ng buong mundo sa pagkabayani at patriotismo. Nakaukit na sa kasaysayan ang kanilang legacy.

Nakaka-antig ng damdamin ang inisyatiba ni Pangulong Zelenskyy na humingi ng pag-uusap sa Russian Federation, bagamat katahimikan lamang ang naging tugon ng kabilang panig.

Sa kanyang pahayag sa madla, sinabing niyang hindi kailangan ang giyera. Not a Cold War, not a hot war. Not a hybrid one, aniya.

Subalit nanindigan siyang kapag sila ay inatake (at nangyari na nga), dedepensahan nila ang kanilang soberenya nang harapan at hindi patalikod. Kung kaya hindi na lamang anticipatory self-defense batay sa international law ang ginagawa ng Ukraine Army sa ngayon, kundi resistance at self-defense sa kanyang mga teritoryo dahil sa actual invasion na nagaganap.

Speaking of teritoryo, iyan naman talaga ang pangunahing dahilan ng sigalot. Gusto ng Russia na mapalawak ang teritoryo nito dahil ang Ukraine ay dati namang bahagi ng Russia sa loob ng napakaraming siglo.

Subalit noong 1991 ay nakamit ng Ukraine ang kanyang independensya dahil sa disintegrasyon ng Union of Soviet Socialist Republic o USSR kung saan ipinagbunyi ang katapusan ng Cold War.

Naninindigan ang Ukraine na isa na itong nagsasariling bansa.

Ano ang iniiwasang mangyari ng Russia?

Ang maging miyembro ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) ang Ukraine. Ang NATO ay intergovernmental military alliance ng 28 na bansa ng Europa at ng dalawang North American na mga bansa. Kasali rito ang Estados Unidos, Canada, France at Germany. Makikita na sa membership pa lamang ay hindi basta-basta ang NATO.

Ito ang nag-provoked ng aggression ng Russia: ang plano ng Ukraine na maging miyembro ng NATO. Nakita niyang banta ang pakikipag-alyansa ng Ukraine sa NATO.

Nostalgia.

Malaking salik ang pagkapit sa nostalgia at hindi pagbitaw dito ng Russia kung bakit ayaw nitong palayain mula sa nakaraan ang Ukraine. Nangangarap pa rin siyang bilang totoong may sakop sa bansa. Bakit nga naman hindi? Ano ang meron sa Ukraine at kapit-tuko si Putin?

Ang Ukraine ang pangalawa sa pinakamalaking bansa sa Europa sa sukat at populasyon–higit 40 million katao, higit pa sa Poland. Sa ranggo, una ito sa Europa na napatunayang pinakamayaman sa uranium ore, isang radioactive chemical element na nagagamit sa produksiyon ng enerhiya.

In fact, pang-apat ang Ukraine sa buong mundo sa total value ng natural resources. Nasa 2.3 bilyong tonelada ang manganese reserves; pangalawa sa Europa sa mercury ore reserves; pangatlo sa Europa sa shale gas reserves; at pang pitong ranggo sa coal reserves (33.9 billion tons).

Isa ring mahalagang bansang agricultural ang Ukraine. Natutustusan nito ang pangangailangan sa pagkain ng may 600 milyong katao sa buong mundo. Isa ito sa pinakamalaking producer at exporter sa buong mundo ng barley, sunflower oil, corn at corn oil, rye, bee, wheat eggs at cheese.

Sa industriya, una ang Ukraine sa ammonia production sa Europa; pangalawa sa Europe at pang-apat sa buong mundo sa pinakamalaking natural gas pipeline system; pangalawa sa Europa at pang-walo sa buong mundo sa installed capacity ng plantang nukleyar; pang-apat sa buong mundo na manufacturer ng rocket launchers, and so on and so forth.

Higit sa mga kayamanang yan ng Ukraine ay ang marubdob na patriotism ng mga Ukrainian na siyang totoong asset ng naturang bansa.

Ang kalagayan ng Ukraine ay maihahalintulad sa lahat ng mga bansang tutol sa panghihimasok sa kanilang soberenya.

Hanggat may mga lider na gaya ni Putin na natatakot sa sariling multo ng nakaraan at hindi kumikilala sa mga tratadong pangkapayapaan ng mga bansa, walang katapusang ligalig ang mamamayani.

Banta sa pandaigdigang seguridad ang krisis sa Ukraine. Dapat kondenahin (at hindi gawing biro) ng mga taong may konsensiya ang pangyayaring ito. The world will bear the cost of this senseless war. Tayong lahat na makakaramdam ng paghina ng produksiyon sa pagkain, pagmahal ng presyo ng langis at mga bilihin.

Sana ay mahimasmasan agad si Pangulong Putin ng Russia.

Afterall, the real test of power is not the capacity to make war.

Rather, it is the capacity to stop it.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]