HUWAG na tayong magbolahan pero sa totoo, walang industriyal na istruktura na tumitingin sa pangkalahatang interes ng konsyumer.
Wala.
Asa ka pa.
There. I said it matter-of-factly!
Naalala ko tuloy, each time na dumadalo ako sa hearing ng Energy Regulatory Commission (ERC) at nagkakaroon ng pagkakataon na makapagsalita sa harap ng mga commissioner at stakeholders, tumitingin muna ako sa dingding ng hearing room at binabasa ang mandato ng ahensya na nakaimprinta sa isang magandang kuwadro: “The ERC is tasked to promote competition, encourage market development, ensure customer choice and penalize abuse (sic) of market power in the electricity industry…”
Ginagawa ko yun dahil gusto kong ipaalala sa kanila na nandoon kaming mga representante ng konsyumers na nagbabantay upang maisaayos ang regulasyon sa power rates at tiyakin na tama at matuwid ang kuwenta sa billing ng mga utilities. {Masaklap nga lang na marahil ay kulang pa ang aming efforts para tuluyang magkaroon ng pro-konsyumer na mga resolusyon ang ahensya sa inihain naming mga kaso.} Tuloy ay nangingilag sa akin ang mga taga-ERC na tila ako ang kanilang public enemy # 1 simula pa noong pangunahan ng aking organisasyon, ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (ABP) ang pagsasampa ng kaso sa limang commissioners na nagbunsod ng kanilang suspensiyon.
Bilang industry regulator, ang ERC ang isa sa mahalagang player sa uniberso ng power industry; sa kategorya ng elektrisidad o kuryenteng industriyal, komersiyal at residential. Gaya sa usapin ng kuryente na mayroong monopolyo ng power players ay mayroon ding oil players na binubuo ng kartel.
Well, segway ‘yan ng main topic natin pero relate naman dahil usapang langis pa rin ang mainit na pambansang isyu ngayon: gasolina at petrolyo.
Nagpapatuloy ang pagbatikos sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at malawakang panawagan na resolbahin ito. Double o baka nga triple jeopardy na kasi ito sa taumbayan. Parang mga pako tayong mga konsyumers na bahagyang nakausli pa ang ulo kaya paulit-ulit na minamartilyo hanggang sa tuluyang lumubog ito at di na makahinga. Bugbog sarado na, gusto pang i-mutilate, ‘ika nga.
Sa tingin ng isang grupo, panahon na para sa unbundling at mas transparent na presyuhan sa pamamagitan ng pagdedetalye ng presyo sa drilling, pumping, refining cost, pag-aangkat, mobilisasyon, pag-iimbak at administratibong gawain, kasama na ang advertisement ng produkto. Ito ay upang makita kung reasonable nga ang ipinapataw na rate ng petrolyo pagdating sa local na merkado. May suhestiyon din ng fuel subsidy at pagrebisa sa Oil Deregulation Law. At suspensiyon ng excise tax.
Nakikita ng mga analysts na hanggang sa susunod pang taon ang mataas na presyo.
So what accounts for such a dizzying rise in oil and petroleum prices? Huhupa kaya ang mataas na presyo kung maisasakatuparan ang mga rekomendasyon sa excise tax cuts, pag rebisa sa Oil Deregulation Law at proposal na fuel subsidy?
Sa usapin ng pagrebisa sa Oil Deregulation Law, nakita na natin sa karanasan sa EPIRA Law na kahit ano ang ikinaganda ng intensiyon ng batas, nalulusutan pa rin ang taumbayan hanggat nandiyan ang vested interests ng mga panginoong power players na kayang magmaniobra sa implementasyon nito, in conspiracy mismo sa mga mersenaryo sa lehislatura at mga publikong ahensiya na tumatanggap ng royalties, honorarium, grease money– okay, BRIBE.
Sa epekto ng excise tax suspension, mag-iimpact ito sa revenue ng gobyerno at alam naman natin na ang taxes ang lifeblood upang gumana rin ang makinarya ng pamamahala; bagamat kung ang suspension sa excise tax ay pansamantala lamang, maari na rin itong ikonsidera upang makaahon naman tayong matagal-tagal na ring binabayo ng krisis dulot ng pandemya. After all, pwede namang buwisan ng gobyerno ang mga oligarko na di hamak na mas may kakayanan. Kung nagawa ngang maipasa nang mabilisan ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) na nakapagdulot ng benepisyo sa mga korporasyon at negosyo, bakit ipagdadamot ang suspension sa excise tax na pabor sa ordinaryong mamamayan?
Sa proposal na fuel subsidy, okay ito bilang pampakalma sa nagpupuyos na damdamin ng nahihirapang taumbayan. Subalit palliative solution ito na limitado ang maaabot. Hindi mapupuntirya ang ugat ng problema kaya malamang ay wala rin itong kuwenta. Gaya rin ito ng solusyon ng Meralco sa pandemic billings natin na nagdoble at nagtriple: nag offer ng installment basis para makagaang sa tao; na mali dahil sa ultimatum ay magbabayad pa rin ang konsyumer pero hindi naituwid ang questionableng billing. Gets niyo?
Kaya hindi dapat asahan na mareresolba ang hinagpis natin sa langis ng kung anu-anong rekomendasyon gaya ng proposal na suspindihin ang excise tax, o kaya unbundling, regulasyon at subsidy. Makakagaan, oo pero hindi mareresolba. Mas malalim na aksiyon ang kailangan upang may magbago sa nakapanghihimagsik nating kalagayan. At hindi yun magaganap hangga’t tubo ang panginoon ng mga oil players at walang moral revolution para mabago ang kaisipan ng mga kapitalista at may hawak ng kapangyarihan.
Sa istilo ng sabwatan ng mga oil players na karaniwan ay nameless, faceless at protektado ng mga nasa makapangyarihan, matatagalan pa o maaring doomed na ang ating sitwasyon na kailangan na nating yakapin; ikonsiderang way of life gaya ng pandemya.
It doesn’t have to be that way.
But right now it is. Real talk.
Sigh.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]